ANG TURO ng Panginoong Jesus, “Kung pilitin ka ng sinumang pasanin ang kanyang dala ng isang milya,pasanin mo iyon ng dalawang milya.” (Mateo 5:41)Tinuturuan tayo ng Panginoon na maglingkod sa kapwa nang higit sa kanilang inaasahan, para lubos-lubos ang kanilang kasiyahan at magkakaroon tayo ng reputasyon ng kahusayan.
Ang sabi pa ng Bibliya, “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayonaglilingkod at hindi sa mga tao.
Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan Niya para sa inyo.” (Colosas 3:23-24) Tinuturuan tayo ng Diyos na kung tayo ay magtatrabaho, dapat ay todo-bigay. Gamitin natin ang lahat ng ating kahusayan at galing para pulidong-pulido ang resulta ng ating trabaho. Kung magkagayon, magiging kahanga-hanga ang kalidad ng ating trabaho, at magiging permanenteng customer (suki) natin ang mga tumatangkilik sa atin.
Magkakaroon tayo ng isang malaking hukbo ng mga tuwang-tuwang customer. Paulit-ulit ang kanilang pagtangkilik sa atin, kaya nagiging maunlad ang ating posisyon sa trabaho o negosyo. Irerekomenda nila tayo para sa mas mataas na posisyon. Dadagsa ang kita natin at magiging daan ng pagyaman natin ito.
Noong ako ay Training and Development Manager ng aking opisinang pinapasukan, naisipan kong i-apply ang mga katuruan ng Panginoon. Ang paniwala ko, “Dahilan ng kalungkutan, trabahong kinukulang; dahilan ng kasiyahan, lampas sa inaasahan.” ‘Pag ang serbisyo mo ay kulang sa inaasahan ng nagpapasahod sa iyo, malulungkot siya at hindi ka niya pagpapalain.
Subalit kung ang paglilingkod mo ay lampas sa inaasahan niya, labis-labis ang kanyang kasiyahan, at maggaganti siya nang mabuti. Iyan ang “guiding principle” ko sa buhay. Kaya, anuman ang nakalista sa aking job description mula sa opisina, pinilit kong abutin.
Ayokong magkukulang ako sa aking tungkulin. Disenyo ako nang disenyo ng iba’t ibang klaseng programa para sa bawat grupo ng empleyado sa aking kompanya – manager, superbisor, mga sekretarya, mga med rep, mga sales rep, pati mga security guard at janitor, atbp. Dahil sa kakulangan ng budget ng kompanya, hindi niya kayang mapondohan at ma-approve ang lahat ng aking mga dinisenyong programa.
Bukod sa aking regular na mga tungkulin, naisipan kong maghatid ng mga “extra mile” sa serbisyo sa aking opisina. Ginawa ko ito bilang pagpapahayag ng aking pananampalatayang Kristiyano. Alay ko ang lahat sa Panginoong Jesus. Isa sa pinaka-importante kong “dagdag serbisyo” ay ang pagtatag ng Toastmaster’s Club nang walang gastos ang kompanya. Nag-imbita ako ng mga batikang toastmaster para magsanay sa aming mga empleyado.
Kaming mga miyembro ang kumargo ng sarili naming annual membership fee, pagkain, at iba pang gastusin. Puwede mong sabihing parang “naka-jackpot” ang kompanya.
Minsan, inimbitahan ako ng Philippine General Hospital (PGH) na magsanay ng ilan nilang mga nars at empleyado nang pro bono (walang bayad). Tinanong ko ang boss ko kung puwede ko bang tanggapin ang imbitasyong ito. Medyo painis na sinagot ako ng boss ko, “Rex, lampas na iyan sa regular mong trabaho! Pero tanungin mo muna si Mr. Brueckner, ang bise-presidente ng Marketing, kung makatu-tulong ba sa kompanya nating tanggapin mo ang imbitasyong iyan.”
Tinanong ko si Mr. Brueckner; at ang sagot niya, “Rex, matagal na nating nililigawan ang PGH para maging kliyente natin at sobra ang pakipot nila. Sige, tanggapin mo ang pakiusap nila para mapasok natin sila.” Kaya tinanggap ko ang imbitayson. Naghatid ako ng libreng programa. Tuwang-tuwa ang PGH. Nagkaroon ng magandang ugnayan ang kompanya ko at PGH mula noon. Naakit ko ang malaking ospital na ito para maging customer namin.
Maraming mga dibisyon at departamento sa aming kompanya. Mahigit 3,000 ang mga empleyado. Maraming tinatayong mga komite ang mga dibisyon para matupad ang kanilang mga adhikain.
Mayroong promotions committee, problem-solving committee, disciplinary committee, atbp. Para magkaroon ng perspektibo ng Human Resources, lagi akong naiimbitahang sumapi sa mga committee na ito nang walang bayad. Masaya akong gawin ito dahil mahal ko ang kompanya ko.
Madalas din na mayroong mga espesyal na gawain o selebrasyon ang iba’t ibang dibisyon – Sports Olympics, Summer outing, Christmas Party, Sales Convention, atbp. Siyempre, kailangan nila ng taong maglilingkod bilang Master of Ceremonies (Emcee). Dahil may reputasyon akong mahusay na tagapagsalita dahil sa pagiging Toastmaster ako, ako ang laging naglilingkod sa kanila.
Nagkaroon ang kompanya ko ng regular na libreng emcee; hindi na nila kailangang mag-arkila ng mga mamahaling celebrity para gampanan ang tungkuling ito.
Kahit walang bayad ang mga ekstrang paglilingkod kong ito, lagi naman akong may sorpresang regalo mula sa ilang dibisyon tuwing Pasko. (Sundan ang susunod na kuwento).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari niyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.