“PURIHIN ang Panginoon, ang aking malaking bato, kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban.” (Awit 144:1).
Sa opisina kong UP-Institute for Small Scale Industries, may dalawa akong kaibigang Kristiyano na lumapit sa akin at nagkumbinsi sa aking magtayo kami ng isang Bible Study Group para turuan ng Salita ng Diyos ang aming mga kasamahan sa opisina. Pumayag ako. Ang plano namin ay ako ang tagapagturo at sila ang taga-imbita. Dahil nag-aral ako sa Bible School Seminary, nagamit ko nang mabuti ang aking mga natutunan. Isang araw sa isang linggo ang aming pagtatagpo mula 12:15 hanggang 1:00 pm. Itinuro namin ang sinasabi ng Bibliya na wastong pananaw sa trabaho, pangangasiwa sa kaperahan, tamang pakikiugnay sa kapwa-tao, paanong makilala ang Diyos, paanong maligtas, at marami pang ibang paksa.
Nakatutuwa dahil maraming tao ang um-attend sa aming Bible Study, hindi lang mula sa aming opisina, kundi pati sa mga karatig na opisina. Twenty-two years old pa lang ako noon subalit pinakinggan ako ng mga mas nakatatanda at mataas ang posisyon. Dahil dito, tumaas ang aking self-confidence at nahasa ang aking abilidad sa pagsasalita at pagtuturo. Bukod dito, nagkaroon ako ng kahulugan at kasiyahan sa trabaho.
Ang posisyon kong Training Assistant ay mababa lang. Ang trabaho ko ay ang maghanda ng kuwarto ng pagsasanay, maghanda ng name tag ng mga participant, magparami ng mga babasahin (handouts) para sa mga mag-aaral, mag-imbita ng mga tagapagsalita, maghanda ng kanilang bio-data, atbp. Alam kong importante ang trabahong ito, subalit ang pakiramdam ko, masyadong mababa ito para sa isang taong katulad kong nagtapos ng B.S. Psychology sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang pakiramdam ko, mas nababagay akong maging guro o tagapagsalita sa aming mga programa. Subalit dahil batang-bata pa lang ako noon (22 years old), kulang pa sa karanasan, kulang pa sa kredibilidad, at sa tingin ng aking mga boss, wala pa akong kakayahang magturo, hindi nila ako binigyan ng oportunidad. ‘Di nagtagal, nabagot ako sa trabahong Training Assistant. Ang pakiramdam ko, isa lang akong ‘glorified janitor’.
Kaya ang pagtuturo ko ng Bibliya ang siyang nagbigay sa akin ng malaking kasiyahan, kahulugan at pagpapahalaga sa buhay. Napansin ng mga boss namin na mahusay pala akong magturo. At dahil sa madalas akong maghanda ng lesson plan at magturo ng Bibliya, nahasa akong maging guro at tagapagsanay. Hindi ko napansin agad, unti-unti pala akong inihahanda ng Diyos para sa mas malaking hamon at gawain sa kinabukasan. Walang aksidente sa Diyos.
Sa Bible School, nag-aral ako ng paksang Educational Methodology. Gamit na gamit ko ang pag-aaral kong iyon. Gumamit ako ng mga makabagong metodo ng pagtuturo sa Bible Study. Hindi lang ako nag-lecture. Gumamit ako ng discussion, buzz group, story-telling, experiential exercises, atbp. Bible lang ang aking textbook, subalit pinukaw ko ang imahinasyon ng mga kalahok dahil sa aking buhay na buhay na pagtuturo, pagkukuwento, at mga malalalim na katanungan. Parami nang parami ang um-attend sa amin. Marami ang nagsabing ‘gifted’ daw akong magturo at kinakasihan ng Diyos. Nagpataba sa aking puso ang mga sinabi nila at lalo akong naenganyong maghanda nang mas mabuti at magturo nang mas mahusay.
Napansin kong kahit na nakumbinsi ko na ang mga boss ko na magaling akong magturo, hindi pa rin nila ako binigyan ng oportunidad na magturo. Gusto nilang sila lang ang nagtuturo, o kaya’y mag-imbita ng mga ekspertong tagalabas. ‘Pag magtuturo ka kasi, tatanggap ka ng honorarium o pabuya. Posibleng gusto nilang solohin ang mga honorarium. O baka talagang napakabata ko pa para magturo.
Naghanda ang opisina ko ng Course Leaders Course (CLC) at ang matalik kong kaibigang si Anji ang naging Project Manager. Ang kursong ito ay paghahanda sa mga kalahok na maging mga tagapagsalita at tagapagsanay. Nilakad ni Anji na masali ako sa kursong ito. Kinumbinsi niya ang mga boss na malaki ang potential kong maging mahusay na tagapagsanay. Purihin ang Diyos at nasama nga ako. Ang naging pangunahing guro namin ay si Mr. Hurley, isang consultant ng International Labor Organization (ILO) na British. Napakagaling niyang guro. Punom-puno ng mga pananaliksik, exercises, discussion at ilustrasyon ang kanyang ginawa. Ang huling bahagi ng programa ay bawat isa sa aming kalahok ay dapat maghanda ng paksa at magturo sa harap ng kamera at sa panel of evaluators. Naghanda ako ng paksang “4 Personality Types” na alinsunod sa aking kursong Sikolohiya. Tuwang-tuwa si Mr. Hurley sa aking pagtuturo. Sinabi niya sa boss ko, “Bantayan mo iyang batang lalaking iyan. Mahusay siya.” Ang sabi ng Project Manager na si Anji, ako raw ang valedictorian ng programa. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin ako binigyan ng oportunidad ng aking boss. Pero, may plano pala ang Diyos. (May karugtong).
000
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
000
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.