PARA YUMAMAN, MAGSAULO NG MGA SALAWIKAIN UKOL SA PAGYAMAN

Heto Yumayaman

“MAPALAD ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,at higit sa gintong lantay ang tubo nito.  Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay”.(Kawikaan 3:13-15)

Purihin ang Diyos dahil nagbigay siya ng talambuhay ni Haring Solomon sa Bibliya para malaman natin kung paano ang pagyamang pinagpala ng Diyos. Matututunan din natin kung ano ang mga kamalian sa kaperahang dapat nating iwasan.  Si Solomon ay walang kapantay sa karunungan at kayamanan sa kanyang kapanahunan.  Dahil humingi siya sa Diyos ng karunungan, binigyan siya ng pang-unawang “kasing dami ng buhangin sa dalampasigan.”

Noong panahon niya, ang mga taong taga-silangan (Asia) ay may reputasyong ubod nang dunong.  Sa bansang Pilipinas, marami tayong mga salitang may kinalaman sa karunungan tulad ng salitang Pantas, Paham, at Dalubhasa.  Sa mga kuwentong-bayan natin, laging nababanggit ang mga ermitanyong nakatira sa bundok o kagubatan na may angking talino at kaalaman.  Sa Bibliya, binanggit ang pangalan ng mga pantas mula sa Silangan at Ehipto tulad nina Ethan na taga-Ezra, si Heman, Kalkol, Darda, at ang mga anak ni Mahol. Lumaganap sa buong mundo ang balita tungkol sa kakaibang talino ni Solomon. Mahilig si Solomon magsaulo ng mga salawikain para magbigay sa kanya ng gabay sa wastong pamumuhay.  Ang salawikain ay butil ng karunungan, libreng payo sa ating lalakaran.  Mahilig magturo si Solomon sa maraming tao.  Ang tawag sa kanya ay “Ang Mangangaral.”  Noong nagtuturo siya, lagi siyang nagbibigkas ng mga salawikain at gumamit din siya ng mga awit bilang metodo sa pagtuturo.  Memoryado niya ang tatlong libong (3,000) salawikain at 1,500 na Awit.

Magaling siyang magmasid sa buong sanilikha ng Diyos.  Hindi pa naiimbento ang microscope noon, subalit naunawaan niya ang kalikasan at disenyo ng Diyos sa iba’t ibang uring hayop, halaman, punong-kahoy, at pati lumot sa pader.  Nagturo siya tungkol sa samu’t saring mga hayop, ibon, isda at reptilya. Mayroon din siyang zoo sa kanyang Kaharian at nag-angkat siya ng iba’t ibang hayop mula sa mga bansa sa mundo at pinag-aralan niya ang mga ito.  Sa kabila ng kanyang karunungan at malalim na pag-aaral, kailanman ay hindi niya inisip na ang mga hayop at halaman sa mundo ay nagmula sa “evolution”,  na isang turong malaking kaululan.  Alam ni Solomon na ang buong sansinukob ay mula sa paglalang ng Diyos.  Parang encyclopedia ang kanyang kaisipan.  Dahil dito, binisita siya ng mga hari ng lahat ng bansa sa mundo para pakinggan ang kanyang karunungan.  At bawat pagbisita sa kanya ng mga dakilang tao, niregaluhan siya ng mga ito ng kanilang mga kayamanan – ginto, pilak, sandata, karwahe, kabayo, mga imbensyon, mamahaling hiyas at bato, mga pampalasa ng pagkain, atbp.  Inilipat ng mga bansa ang kanilang kayamanan sa kamay ni Haring Solomon.  Kaya yumaman siya ng labis.  Naging parang mga ordinaryong bato sa dami ang mga ginto at pilak na nagkalat sa Lungsod ng Jerusalem.

Kahit na gaano kayaman si Solomon, hindi siya lumimot sa Panginoong Diyos noong kabataan niya. Kinilala niyang ang Diyos ang nagpayaman sa kanya.  Numero uno sa buhay niya ang pagpaparangal sa Maylikha.  Isa sa memoryado niyang salawikain ay “Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.” (Kawikaan 3:9-10)

Ang paniwala ni Solomon, lahat ng kayamanan niya ay hindi siya ang may-ari; ang lahat ng ito ay sa Diyos.  Pinahiram lang sa kanya ng Diyos ang mga ito.  Siya ay katiwala lamang ng Diyos at inaasahan ng Diyos na pangangasiwaan niya ng mabuti ito.  Kapag siya ay mapagkakatiwalaan, pararamihin ng Diyos ang mga ari-arian na ipamamahala sa kanya at patataasin ng Diyos ang kanyang posisyon.  Subalit kung siya ay mandaraya sa kanyang kayamanan o kaya ay pabaya sa mga ito, aalisin ng Diyos sa kanya ang mga Ito, at ibababa siya sa puwesto.

Natutunan ko rin ang katotohanan ng prinsipyong ito.  Noong hindi ko ibinigay ang ikapu ng aking kita sa Diyos, pinaalalahanan ako ng Diyos na parangalan Siya sa pamamagitan ng aking yaman.  Subalit nagmatigas ako at hindi ko ibinigay sa Kanya ang ikapu.  Makalipas ang sampung paalaala at babala sa akin, at nagmatigas pa rin ako, dumating ang masakit na dagok sa aking buhay.  Nakipag-partner ako sa ilang taong inakala kong mga negosyante, subalit mga manloloko pala.  Nawala ang lahat kong ipon.  Nagsisi ako.  Mula noon, tapat ko nang ibinigay ang ikapu ng aking kita sa Diyos.  Pinarangalan ko siya sa pamamagitan ng aking mga kayamanan, at sunod-sunod ang pagpapalang bumuhos sa akin.  Nagkaroon ako ng matagumpay na negosyo.  Nagkaroon ako ng mahigit na apat na pung international projects at kumita ako ng dolyar na kita.  Nagkaroon ako ng kakayahang mag-imbento ng mga business games na naging produkto ng aking negosyo.  Totoo ang salawikaing binigkas ni Solomon.  Magmemorya tayo ng mga salawikain tungkol sa kaperahan na makikita sa Bibliya, para may gabay tayo sa wastong pagyaman.

vvv

Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)