PARA YUMAMAN, MAMUNONG MAY KATARUNGAN

Heto Yumayaman

“ANG  kaharian ay matatag kung ang hari’y makatarungan, ngunit ito’y mawawasak kung sa salapi siya’y gahaman.” (Kawikaan 29:4)

Nang matanda na si Haring David, nagkaroon siya ng sakit; lagi siyang giniginaw.  Kahit na gaano karaming kumot ang itakip sa kanya ay hindi umiinit ang kanyang katawan.  Ang ginawa ng mga opisyal niya ay inihanap siya ng isang magandang dalaga para maging asawa at caretaker niya sa katandaan; subalit hindi ito sinipingan.  Ang pangalan ng dalaga ay si Abishag.  Samantala, pinili ni David si Solomon upang humaliling bagong hari ng Israel.

Ang kuya ni Solomon na si Adonijah ay nagtangkang umagaw sa trono subalit napigilan siya.  Nang akala niyang ipapapatay siya ni Haring Solomon dahil sa kanyang kasalanan, nagmakaawa siyang huwag siyang patayin.  Pinatawad siya ni Solomon, subalit binalaang huwag nang manggugulong muli; sa oras na makitaan siya ng kasamaan, walang salang ipapapatay siya.

Bago mamatay si David, binigyan niya ng mga huling tagubilin si Solomon.  Sinabi niyang para magtagumpay ang pamumuno niya sa bansang Israel at upang laging may saling-lahi siyang mauupo sa trono ng Israel, dapat ay matapat niyang susundin ang mga kautusan at tuntunin ng Diyos na ibinigay kay Moises.  Nagtagubilin din si David kay Solomon na gantihan ng kabutihan ang nagpakita ng kabutihan kay David, lalo na si Barzillai na nagbigay ng pagkain at pagtulong kay David nang siya ay tumakas mula sa Jerusalem nang maghimagsik ang anak niyang si Absalom.

Sinabihan din ni David si Solomon na paghigantihan ang mga taong gumawa ng kasamaan kay David at nagpahina sa katatagan ng pamahalaan niya – ang punong commander na si Joab na may kataksilang pinatay ang mga walang salang commander na sina Abner at Amasa.  Isa rin sa masamang tao ay si Shimei na sumumpa at nambato kay David nang siya ay tumakas sa panahon ng paghihimagsik ni Absalom.  Ang mga masasamang taong ito ay nagpapahina sa pamumuno ni Haring Solomon.  Habang nananatiling buhay ang mga ito, walang katahimikan at katatagan ang pamahalaan niya.  Nangako si Solomon sa ama niya na gagawin niya ang lahat ng mga tagubiling ito.  Pagkatapos nito ay namatay na si David.

Batang-bata pa lang si Solomon.  Ang sabi ng mga iskolar ng Bibliya na siya ay limampung taong gulang pa lang nang maghari.  Malamang na minaliit siya ng ilang tao at nagtangka silang manggulo at magpatalsik sa kanya pagdating ng oras.  Kasama sa mga lihim na nagsabwatan ay sina Punong Commander Joab, Shimei, at ang nakatatandang kapatid ni Solomon na si Adonijah.  Palihim na nag-uusap-usap ang mga ito na manahimik lang nang panandalian at sa tamang tiyempo, kikilos sila para patalsikin si Solomon at iluklok bilang hari ang manok nilang si Adonijah.

Minsan nang nagtangka ang mga taong ito na gawin si Adonijah na maging Hari.  Humingi ng patawad si Adonijah kay Solomon at siya ay  pinatawad.  Subalit buhay pa rin ang ambisyon ni Adonijah na maging hari.  Nang mamatay na si David, akala ni Adonijah ay kaya  niyang subukan ang lakas ni Solomon.

Nahumaling si Adonijah sa magandang dalagang si Abishag na asawa ng amang si David.  Kinausap ni Adonijah ang nanay ni Solomon na si Bathsheba.  Nakiusap ito na hilingin ni Bathsheba mula kay Haring Solomon na ibigay si Abishag bilang asawa ni Adonijah.  Nangako ang ina na kakausapin ang Hari.  Nang hilingin ni Bathsheba kay Haring Solomon na ipahintulot na maging asawa ng kuya Adonijah si Abishag, nagalit si Solomon.  Matalino si Haring Solomon; nasa kanya ang Espiritu ng Diyos.  Nakutuban niyang buhay pa rin ang masamang ambisyon ni Adonijah para maging hari. Sinusubukan nito ang determinasyon niyang bantayan ang katatagan ng kanyang pamahalaan.  Para matigil na ang mga malisyosong panunubok ni Adonijah, inutusan ni Haring Solomon sa kanyang Commander na si Benaiah na patayin si Adonijah.  Nang malaman ng punong commander na si Joab ang nangyari, at nakutuban niyang natuklasan na ng hari ang kanilang lihim na sabwatan, tumakbo siya sa santuwaryo ng Diyos at nagtago roon.   Ang pagtakas at katibayan ng pagiging salarin. Nakumpirma ni Solomon ang lihim na plano laban sa kanya.  Inutusan niya si Benaiah na patayin ang taksil na si Joab.

Pagkatapos, inutusan ni Haring Solomon ang masamang taong si Shimei na manahanan sa loob ng kabiserang lungsod na Jerusalem at huwag lalabas mula rito; sa oras na lumabas siya, walang salang ipapapatay siya.

Sumang-ayon si Shimei sa utos ng Hari.  Subalit makalipas ang tatlong taon, may mga alipin si Shimei na tumakas mula sa kanya at lumipat sa bayan ng Gath.

Lumabas si Shimei mula sa Jerusalem at kinuha ang mga takas niyang alipin at ibinalik sa Jerusalem.  Nang mabalitaan ni Solomon na lumabag si Shimei sa kasunduan, pinatawag ito at tinanong, “Bakit sumira ka sa pangako mo sa Panginoon?”  Walang maidahilang mabuti si Shimei.  Sinabi ni Solomon, “Alam mo ang lahat ng kasamaang ginawa mo sa aking amang si David.  Nang siya ay tumakas mula sa Jerusalem dahil sa paghihimagsik ni Absalom, sinumpa at binato mo si Haring David.  Hinamak mo at nilapastangan siya bagamat siya ang hinirang ng Diyos.  Dahil diyan, dapat kang mamatay.”  Iniutos ni Solomon at pinatay ni Benaiah si Shimei.  Mula nang mapawi mula sa balat ng lupa ang mga masasamang taong ito, nagkaroon ng katahimikan at katatagan ang pamumuno si Haring Solomon.  Patuloy na umasenso at yumaman si Solomon.  Para yumaman, mamunong may katarungan.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.