NANG mamuno ang mga komunista sa aming paaralan, dumating ang kadiliman. Na-demoralize ang maraming empleyado. Ang dalawang pinuno ng aming Workers Education Program (WEP) na nagsasanay sa mga unyon at mga manggagawang Filipino ay nag-resign sa puwesto. Ang pinuno ng aming Graduate Studies Program (GSP) ay nagbitiw sa puwesto at lumipat sa Estados Unidos. Ang mabuting si Mr. Lucas ay nagbitiw rin. Ang makatao naming dekanong si Prof. Gatchalian ay nag-sabbatical leave para tapusin ang kanyang PhD. Umangat ang ulo ng isang masamang sindikato – ang bagong dekanong komunista at dalawa pang gurong si A at B. May ilan pang mga minor na kasabwat nila.
Ang tingin nila sa akin ay kalaban ng kanilang ideyolohiya. Sumusuporta ako sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga negosyante at manggagawa para sa kaunlaran ng Filipinas, samantalang ang itinutulak nila ay ang class struggle ng mga manggagawa para pabagsakin ang ‘uring kapitalista’, at ang pamumuno ng Partido komunista sa Filipinas. Pinilit ng bagong dekano na sumunod ang buong paaralan namin sa iisang ‘linya’ – ang interes ng mga manggagawa. Pinatay niya ang academic freedom sa aming paaralan. Ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay kilala sa academic freedom na sinisimbulo ng estatwang ‘Oblation’, ang lalaking nakahubad at nakatayong nakaunat ang mga kamay at nakatingin sa langit. Hindi iginalang ng sindikato ang pundasyong paninindigan ng aming unibersidad.
Para mawala ang oposisyon sa kanila (na nanggagaling daw sa akin), pinupuwersa nila akong magbitiw at magtrabaho na lang ako sa pribadong sektor. Ito ay kataka-taka sapagkat ako ang pinakagusto ng mga estudyante namin at ako ang tumatanggap ng pinakamataas na ebalwasyon sa pagtuturo. Para mapuwersa nila ako, nagsampa ang sindikato laban sa akin ng kasong ‘plagiarism’ (pangongopya) kahit wala itong basehan. Inudyok ako ng mabuting Dekano Gatchalian na magsampa rin ng kaso for moral damages dahil sa kawalan ng basehan ang demanda nila sa akin. Subalit hinadlangan ako ng misis ko at Kristiyanong kaibigan dahil sa Diyos daw ang paghihiganti. Litong-lito ako kung ano ang gagawin. Nagpasiya akong sumunod sa payo ng aking misis at kaibigan. Tiniis ko ang pang-aapi sa akin at isinumbong ko sila sa Diyos.
Walang kaabog-abog, mga 10:00 ng gabi, may dumating na messenger sa pintuan ng aking bahay para ibalita na mayroon daw akong imbitasyong interview sa Zuellig Pharma Corporation (ZPC), ang pinakamalaking pharmaceutical company sa bansa. Tinanong ko ang messenger, “Ano ito? Hindi naman ako nag-apply ng trabaho sa kanila.” Ang sagot niya, “Hindi ko rin po alam kung bakit. Basta isinugo po ako rito para sabihin sa inyo.”
Kinabukasan, pumunta ako sa ZPC na hindi alam kung ano ang mangyayari. Nakilala ko si Mrs. Abada, ang mapagkumbabang Vice-President for Human Resource Development. Sinabi niya sa akin, “Ikaw pala si Rex Resurreccion. Alam mo ba kung bakit ka namin inimbitahan para sa interview na ito?” Sinabi ko, “Hindi ko nga po alam. Bakit po ba?” Sumagot siya, “Kasi mayroon kaming bagong binuksang posisyong Training and Development Manager. Humingi kami ng rekomendasyon sa iba’t ibang tao sa industriya at sa Unibersidad kung sino ang puwede para sa posisyong ito. At ang pangalan mo ang laging binabanggit nila.” Tinanong ko, “Talaga? Sino po sila?” Sumagot siya, “Ang marami ay mga dati mong estudyante na ngayon ay mga manager dito sa Makati, at ang iba naman ay mga guro sa unibersidad.” Tapos dinugtungan pa niya, “Interesado ka bang tanggapin ang puwestong ito?” Ano ang isasagot ko??? Tamang-tama ang tiyempo ng imbitasyon nila sa akin. Naramdaman ko sa puso kong galing sa Panginoon ang pagpapalang ito, kaya pumayag akong magtrabaho para sa kanila. Ibinigay nila sa akin ang posisyon at tumanggap ako ng suweldong makalimang beses ang laki ng suweldo ko sa UP.
Samantala, kumilos ang Diyos para parusahan ang masasamang miyembro ng sindikato. Nahuli ang dekanong komunista na nangopya sa pananaliksik ng isang UP Professor Dr. Samonte. Idinemanda siya ng plagiarism at nagkasakit siya ng isang pambihirang sakit sa kanyang spinal column na gaya ng epilepsy. Si guro A ay inutusang gumawa ng proposal ng UP President, at napakapalpak ng ginawa niya; pinagalitan siya ng katakot-takot at sinabihang, “Incompetent ka! Hindi ka nararapat maging guro ng UP. Magbitiw ka na!” Dahil sa kahihiyan, nagbitiw siya at nagtago sa ibang bansa at nabura ang alaala sa kanya. Si guro B ay panandaliang naging dekano ng aming paaralan subalit nagkaisa ang mga guro na idemanda siya ng graft and corruption at pinatalsik siya ng UP at sinabi sa kanya, “Hindi ka na puwedeng magtrabaho muli sa Unibersidad.” Nagtayo na lang siya ng tindahan, subalit nasunog ito at nawala lahat ang kanyang puhunan. Tapos, noong 1991, bumagsak ang bansang komunistang Soviet Union. Nakakatakot talaga ang paghihiganti ng Diyos. (Sundan ang susunod na kuwento).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.