“NGUNIT muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila’y tatakbo ngunit hindi mapapagod,sila’y lalakad ngunit hindi manghihina.” (Isaias 40:21),
Sa trabaho ko sa UP-ISSI, natutunan ko ang kagandahan ng pagnenegosyo (entrepreneurship). Ito ang nagpapayaman sa isang bansa. Ito ang lumilikha ng mga produkto o serbisyo na kailangan ng lipunan; ito ang lumilikha ng mga trabaho para magkahanapbuhay ang mga Filipino; ito rin ang nagbabayad ng malalaking buwis, kaya napapasuwelduhan ang mga empleyado ng pamahalaan at napopondohan ang mga proyekto ng gobyerno. Natutunan ko rin sa UP-ISSI ang tungkol sa modernong pamamaraan ng pagsasanay. Ibang-iba ito sa tradisyonal at pormal na edukasyon. Ang modernong pagsasanay ay masigla, praktikal, nagpapahalaga sa mga participant, ;samantalang ang pormal na edukasyon ay nakababagot dahil hindi kaagad makita ng mga estudyante ang paggagamitan ng kanilang pinag-aaralan.
Bagaman marami akong natutunan sa opisina ko, parang masyado pa ring maluwag ang oras ko. Madalas na tumakbo ang panahong wala ako masyadong ginagawa. Kung may proyekto, busy kami. Kung wala, nakatunganga. Bagaman hindi gaanong malaki ang suweldo, dahil sa magaang ang trabaho, parang sobra-sobra ang pinapasuweldo sa amin. Hindi kasalanan iyon ng empleyado. Tungkulin ng opisinang lumikha o magkalap ng maraming proyekto para may ginagawa ang mga empleydo.
Dahil sobra ang oras ko, naghahanap ako ng gagawin.Kaya nagpatakbo ako ng Bible Study group, kahit wala itong bayad, para mayroon akong dagdag-serbisyo para sa opisina. Lagi akong lumalapit sa mga boss ko at humihingi ng trabahong magagawa para sa kanila, lagi akong nagbo-volunteer mag-emcee sa mga programa namin at mag-tourist guide para sa mga dayuhang participants namin. Kahit na ginagawa ko na ito, sobra pa rin ang oras ko. Kaya naisipan kong mag-enroll para sa Master’s degree. Bukod dito, mayroong isang eksperyensadong propesor na kailangang maglakbay abroad kaya hiniling niya akong mag-substitute teacher para sa kanyang klase. Tinanggap ko naman kahit walang bayad, dahil para sa akin, dagdag kahulugan ito sa aking trabaho.
Ganito ang naging iskedyul noong panahong iyon. Naglilingkod ako bilang Training Assistant at namumuno ng Bible Study group sa opisina; nagpapastor ako ng OB Christian Community Church tuwing Linggo, at nag-aaral ako ng Master in Psychology. Walang kaabog-abog, nag-ring ang telepono sa opisina. Tinawag ako at sinabing para sa akin daw ang tawag na iyon. Nang sinagot ko, ang nasa kabila ng linya ay si Prof. Pete Gatchalian, isang paboritong tagapagsanay ng aming opisina. Sinabi niya, “Rex, ako si Pete Gatchalian. Naaalala mo pa ako?”
“Opo, sir. Kayo po iyong tagapagsanay namin sa Manager’s Course.”
“Mabuti naaalala mo pa ako. Ako ang bagong Dekanong ng UP-Institute of Industrial Relations (UP-IIR). Plano kong mag-expand ng aming paaralan. Naghahanap ako ng isang batang dynamic instructor. Rex, lagi ki-tang naiisip. Interasado ka bang maging instructor ng UP?”
Nagulat ko. “Sir, sa palagay ninyo ba ay kaya ko iyon?” Sabi niya, “Nakita na kita. Ang taas ng energy level mo. Pumarito ka para ma-interview ng panel of evaluators. Tatlo kayong naglalaban-laban. Kung ikaw ang pa-pasa, e ‘di ikaw na.”
Nanalangin ako nang puspusan dahil sa oportunidad na iyon. Hiniling ko ang mga kaibigan kong ipanalangin nila ako. Sa takdang panahon, pumunta ako sa UP-IIR para sa interview. Apat na tao ang nasa panel. Tatlo kaming candidates. Ang dalawa ay mga abogado. Sa loob-loob ko, wala akong panalo. Pero wala namang mawawala kung susubukan ko. Tinanong nila kung may Master’s degree ako. Ang sabi ko ay enrolled ako sa MA Psychology. Tinanong nila kung may karanasan akong magturo. Sabi ko naman na nag-substitute teacher ako sa BS Psychology. Sinabi ko rin na nagtapos ako ng Course Leaders Course, na isang pagsasanay sa pagtuturo at ako ang naging isa sa pinakamahusay roon. Lahat ng tanong nila ay nasagot ko nang may katiyakan at kalinawan. Sa apat na nag-interview, nagustuhan ako ni Dean Gatchalian at ng isang Mr. Lucas. Ipinaglaban nila ako. Iyong dalawa pang interviewer ay hindi boto sa akin dahil masyado pa raw akong bata at gusto nilang kunin iyong mga abogado. Ang pakiramdam ko ay talo na ako. Subalit, hindi maipaliwanag, nang tinawagan nila iyong dalawang abogado, ay parehong umayaw sila. Kaya tinawagan ako ni Dean Gatchalian at sinabi, “Rex, ikaw ang napili naming maging bagong instructor. Ayusin mo ang mga papeles mo at lumipat ka na dito sa amin. Ang laki ng katuwaan ko. Bukod sa mas mataas na puwesto ito, lumaki rin ang suweldo ko. Purihin ang Diyos sa Kanyang kagandahang-loob saakin. (Abangan ang karugtong).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.