ANG nagtatayo ng mga pabrika at negosyo ay ang mga kapitalista. Ang lumilikha ng mga produkto o serbisyo na ninenegosyo ng mga kapitalista ay ang mga manggagawa. Kung walang mga kapitalista, walang magtatayo ng mga negosyo; kaya, walang trabaho ang mga manggagawa. Kung walang manggagawa, walang magtatrabaho sa mga pabrika at walang gagawa ng mga produktong ipagbibili ng mga kapitalista. Malinaw na dapat ay magkatuwang ang mga kapitalista at mga manggagawa. Kung magtutulungan sila, magiging maasenso ang kanilang kompanya; may trabaho at suweldo ang mga manggagawa; makatatanggap ng tubo ang mga namumuhunan; maraming magbabayad ng buwis sa gobyerno; magkakaroon ng maraming pera ang pamahalaan para sa kaunlaran ng bansa; at lahat ay makikinabang.
Subalit batay sa kasaysayan ng himagsikang industriyal, naging masyadong makapangyarihan ang ilang kapitalista. Wala pa masyadong proteksiyon ang mga manggagawa noon. Naging abusado ang ilang mamumuhunan. Halos buong araw nagtatrabaho ang mga manggagawa nang walang pahinga. Dahil wala pang minimum wage noon, napakababa ng suweldo ng mga manggagawa; sapat lang para makakain sila para mabuhay sa susunod na araw; hindi nila kayang magkaroon ng sariling bahay, mapag-aral ang mga anak, o magkaroon ng libangan. Naging masyadong gahaman sa pera ang ilang kapitalista. Dahil mas mababa ang suweldong ibinabayad sa mga babae at bata noon, natukso ang mga kapitalista na mag-arkila ng mga batang manggagawa. Dahil hindi pa maingat sa kalusugan ang mga tao, walang proteksiyon ang mga manggagawa. Marami ang nasusugatan, nasasaktan, nagkakasakit, nababaldado, napuputulan ng mga kamay, at namamatay. ‘Pag nagkasakit o nabaldado ang isang manggagawa, itinatapon na lamang sa labas ng ilang may-ari ng kompanya dahil inutil na.
Dahil sa kaapihan nila, natutong magtayo ng mga unyon ang mga manggagawa. Kapag nilalabag ang kanilang karapatang pantao, nag-aaklas o nagwewelga sila. Nagkakaisa silang tumigil sa pagtatrabaho, kaya walang produksiyon ang pabrika, walang mabenta ang mga may-ari, at nalulugi sila. Nadiskubre ng mga manggagawa ang kanilang lakas sa pagkakaisa. Malaki ang potensiyal nilang maghimagsik at magpabagsak ng mga kompanya o pamahalaan. Nag-abuso rin ang ilang grupo ng mga manggagawa para pahinain ang kanilang kompanya. Para makahingi ng mas malaking suweldo at iba pang pribilehiyo, wala silang pasubaling nag-aaklas at humihinto sa trabaho. Noong taong 1917, nagwagi ang rebolusyon ng mga manggagawa sa bansang Rusya, kaya nagkaroon ng bansang Soviet Union. Kumalat ang mga mapanghimagsik na katuruan nina Karl Marx, Vladimir Lenin, Mao-Zhedong, at iba pa. Nayanig ang maraming mga bansang makakapitalista.
Subalit walang mga bansa ang umunlad sa pamamagitan ng purong sistemang sosyalista at komunista. Sa sistemang komunista, mababa ang kalidad at produktibidad ng mga tao. Hindi magilas ang mga manggagawa. Lahat ng mga mamamayan ay puwersadong maging suwelduhang manggagawa. Hindi pinapayagan ang sinumang magtayo ng sarilingnegosyo, o magmay-ari ng sariling bahay, bukirin o sakahan. Lahat ng mga pabrika, kom-panya, lupain, bukirin at mga ari-arian ay pagmamay-ari ng estado na pinamumunuan ng iisang partido lamang, ang Partido Komunista. Ang mga lider sa namumuno sa gobyerno ay hindi pinili ng taumbayan. Ang Partido Komunista lang ang puwedeng maghari. Walang pinapayagang magtayo ng ibang partido. Ginagamit ng gobyerno ang sandatahang lakas para panatilihin ang sarili nila sa kapangyarihan. Sinusupil ang mga mamamayan na humingi ng ibang uri ng gobyerno. Hindi pinapayagan ang mga manggagawa na mag-aklas o humamon sa kapangyarihan ng gobyerno. Kaunti lang ang karapatang pantao ng mga mamamayan. Halos lahat ng mga mamamayan ay mahirap at kulang sa mga basic na pangangailangan sa buhay. Ang tanging mayaman at makapangyarihan ay mga miyembro ng Partido Komunista. Dahil dito, naghangad ang maraming mamamayan na lumayas ng bansang komunista at lumipat sa mga bansang malaya, demokratiko at kung saan pinapayagang mamuhunan ang mga tao sa negoyso. Makalipas ang 70 taon, bumagsak ang pangunahing bansang komunista na Soviet Union.
Hindi maganda ang masyadong makapangyarihan ang mga kapitalista, dahil puwede nilang abusuhin ang mga manggagawa. Subalit hindi rin maganda na puwersahing maging manggagawa lang ang lahat ng mga mamamayan at sapilitang ipasailalim sa isang gobyernong komunista. Ang mga kapitalista ay mahalaga sa isang bansa dahil sila ang nagtatayo ng mga negosyo, nagbibigay ng trabaho sa mga manggagawa, at nagpapasuweldo. Mahalaga ang mga manggagawa dahil sila ang gumagawa ng mga produkto o serbisyong ibinebenta ng mga kapitalista. Mahalaga ang gobyerno dahil sila ang nagpapatupad ng mga batas para huwag mag-abuso sa kapangyarihan ang mga kapitalista o mga manggagawa. Para yumaman ang isang bansa, dapat ay hindi magkalaban ang mga kapitalista at manggagawa. Dapat sila ay nagkakaisa at nagtutulungan tungo sa iisang layunin – ang kaunlaran ng bansa. Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.