GUSTO ko nang mag-asawa, subalit wala pa akong kakayahang buhayin nang may dignidad ang aking mapapangasawa. Kaya nag-ipon at naghanda akongmabuti. Noong 1983, isa akong guro ng dakilangpamantasan, may sarili nang tirahan – ang BLISS unit 111, may kotseng Toyota Crown na ipinahiram ng aking ama, at may malaking ipon sa bangko. Isang maybahay na lang ang kulang. Ang best friend kong dati kong ka-opisina ang aking minahal. Pareho kaming graduate ng UP, parehong sikolohista, parehong trainer, at parehong Born-again Christians na nagmamahal sa Diyos. Noong Oktubre 1983, nag-propose ako sa kanyang magpakasal; at sinagot naman niya ako ng oo. Noong Enero 1, 1984, nagpakasal kami sa Church of the Risen Lord sa UP-Diliman. Kaming dalawa ang gumastos ng lahat; hindi namin inabala ang aming mga magulang.
Dumating sa akin ang isang malaking pagpapala. Ang pamahalaan ng Australia ay nag-alok ng scholarship sa UP para mag-aral ng “Design and Development of Training Programs” sa International Training Institute (ITI), Sydney, Australia mula Mayo hanggang Agosto 1984. Ipinasa ng UP ang scholarship na ito sa aking opisina. Kanino kaya iaalok ng opisina ko ang scholarship na ito? Dahil ako ang guro na nagtuturo ng kursong “Design and Administration of Training Programs”, inalok ng opisina ko ang scholarship na ito sa akin. Pagkakataon ko ito para lumawak pa ang aking comfort zone. Gusto kong lumaki pa ang sakop ng aking kakayahan. Purihin ang Diyos sa kanyang kabutihan.
Nagpaalam ako sa aking bagong misis at lumipad ako papuntang Sydney, Australia. Ang mga Australyano marahil ang pinakamahusay na host sa buong mundo. Napakapalakaibigan nila, napakasinsero at napakaimpormal, ika nga e, koboy na koboy. Pinatira kami sa napakagandang hostel na ang pangalan ay Hereford Lodge; medyo malayo ito sa aming paaralan, marahil ay kasing layo ng Quezon City mula sa Makati. Nasa kabilang panig ito ng kilalang-kilalang Sydney Bridge. Unang araw pa lang namin, binigyan kami ng pera, dinala sa gitna ng Sydney center at iniwan kami. Ang hamon sa amin, bahala kaming umuwi sa Hereford Lodge na hindi sumasakay ng taxi.
Kaya kaming pitong Filipino ay nagsama-sama, nagtanong-tanong, at naglakad nang mahabang-mahaba papunta sa aming tirahan. Ang galing ng ginawa nila. Nakapagturismo kami ng isang araw sa dakilang lungsod ng Sydney. Nakita namin ang mga matataas na gusali, mga magagarang tahanan, mga maaayos na tindahan, mga malilinis na kalsada at bangketa, at maraming punongkahoy, bulaklak at halaman na naglipana sa lugar. Makalipas ang dalawang oras, hapos na hapos kaming nakarating sa aming tirahan. Sa harap ng hostel ay may tindahang nagtitinda ng “lamb chops”. Matagal na akong nananabik malaman kung ano ang lasa ng lamb chops, kaya bumili ako. Pagbalik ko sa hostel namin, niluto ko ang aking lamb chops. Nang kinain ko, hindi masarap sa aking panlasa; matabang siya at parang masebo ang lasa. Hindi na ako bumili muli noon.
Humigit-kumulang sa 200 participants kami na nanggaling sa iba’t ibang bansa sa Asya, Africa, at Pacific. Eksaktong ika-pito ng umaga, isinasakay kami sa mga tourist bus para dalhin sa aming paaralang International Training Institute (ITI). Dati siyang kampo ng mga sundalo na ginawang lugar ng pagsasanay. Galing sa mga 30 bansa ang mga estudyante. Pito kaming mga Filipino. Sa klase ko, may 20 mag-aaral – dalawa kaming Filipino, at ang iba ay galing sa Thailand, Malaysia, Brunei, Nepal, Fiji, Botswana, Solomon Islands, atbp. Hindi naman sa nagmamataas, subalit para sa akin, parang napaka-basic ng mga itinuro sa amin, subalit makabago ang mga ito sa aking mga kaklase. Itinuturo ko kasi ang parehong mga aralin sa aking klase sa UP. Kaya nagningning ako sa programa namin. Aktibo akong nakilahok sa lahat ng gawain, at nagbo-volunteer akong magturo ng ilang simpleng ara-lin.Ikinatuwa naman iyon ng aming program manager. Nahamon siyang mag-isip kung ano pa ang puwede niyang ituro na bago para sa akin.
Napakabuti niya. Ang ginawa niya ay kinontak niya ang ilang mga ahensiya at napag-alaman niyang mayroon palang International Training Conference na pinamunuan ng Australian Society for Training and Development (ASTD) na pinamagatang “The Future is Now” sa Agosto. Isinama niya ako roon, sampu ng ilan pang mga kaklase ko. Mas mataas ang antas ng katuruan doon. Maraming mga mahuhusay na international speakers na nagturo ng mga pinakabagong proseso at technique sa pagsasanay. Kinontak din ng Program Manager ko ang isang “Clowning Class”. Isinama niya ako roon para mapayaman ang karanasan ko at para may matutunanan akong bago. Nagtapos ako sa programang iyon na punum-puno ng bagong kaalaman at kakayahan. Lumawak ang aking comfort zone. (Abangan ang karugtong).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.