PARA YUMAMAN, PALAWIGIN ANG IMPLUWENSIYA

rene resurrection

GALING Australia, bumalik ako ng Filipinas na sabik magturo ng aking mga natutunan.  Sa aking kursong Design and Administration of Training Programs sa Unibersidad ng Pilipinas, ipinasa ko ang mga bagong kaalaman at kasanayan sa aking mga estudyante.  Lalong naging popular ang aking kurso.  Dinumog ako ng mga estudyante.Noong mga panahong ito, dalawang trabaho ang aking pinagkakaabalahan.  Una ay ang pagtuturo sa Pamantasan.  Ang pangalawa ay ang pagpapastor sa Old Balara Christian Community Church (OBCC).  Parehong pinagpala ng Diyos ang mga gawain kong ito. Ang kursong itinuturo ko ay pinanabikan ng maraming mga estudyante na nagmumula sa iba’t ibang yunit ng Pamantasan.  Ang simbahan naman ay lalong lumaki at dumami ang mga miyembro.

Nadagdagan ng ibang mga kurso ang aking tinuturo.  Bukod sa unang kurso, nagturo rin ako ng kursong Introduction to Human Resource Development at Introduction to Industrial Relations.  Sa paaralan namin, may isa pang departamentong tinatawag na Workers Education Program (WEP).  Madalas akong kunin bilang guro o tagapagsanay ng mga unyon o samahan ng mga manggagawa.  Sa ating Saligang Batas, nakasaad na isa sa mga karapatan ng mga manggagawang Filipino ay ang bumuo ng mga unyon para ipagtanggol ang kanilang karapatan bilang mga manggagawa.  Pinapayagan sila ng batas na makipag-negosasyon sa mga may-ari ng mga kompanya para maitaas ang kanilang suweldo at benepisyo.  Kung walang unyon, walang magbabantay at magpoprotekta sa mga karapatan nila.  Maaaring pagtrabahuhin sila ng pitong araw sa isang linggo nang walang pahinga; maaaring bigyan lamang sila ng suweldong mas mababa kaysa sa minimum wage na isinasaad ng batas o kaya ay hindi sapat para makabuhay ng pamilya.  Kung walang unyon, maaaring maging parang mga alipin ang mga manggagawang Filipino sa sarili nilang bansa.  Maraming mahihirap na Filipino ay mga manggagawa at walang patid ang pagyaman ng mga namumuhunan.  Nagkaroon ako ng malasakit para sa mga mahihirap.  Gusto kong makatulong para makaalpas sila sa kahirapan.  Dalawang grupo ng mga mahihirap ang aking gustong tulungan – ang mga maralitang tagalungsod at mga manggagawang Filipino.

Tuwing Linggo, nagpuputa ako sa squatters area ng Old Balara, Quezon City para gabayan ang simbahang OBCC.  Ang miyembro nito ay 100% na mga maralitang taga-lungsod.  Ipinasa ko ang aking mga natutunan sa Bibliya at secular na pinag-aralan sa kanila.  Inudyok ko silang magtapos ng  pag-aaral, maghanap ng trabaho, pumasok sa mga malillinis na hanapbuhay, magtipid, mag-ipon, magtrabaho nang may kasipagan, magnegosyo at maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba.  Sa labas ng aming simbahan, 80% ng mga tao ay hindi nagtapos ng pag-aaral at walang trabaho.  Sa loob ng aming simbahan, 80% ng mga tao ay nagtapos ng pag-aaral, may trabaho at may ipon, dahil sa pagsunod nila sa aking mga payo.  Nang lumaki ang kanilang ipon, tinanong nila ako kung ano ang dapat nilang gawin.  SInabi kong mamuhunan o magnegosyo sila.  Ganoon nga ang ginawa ng ilan.  Lahat ng mga nakinig sa aking payo ay nakaalpas sa karalitaan.  Nakita ko ang magandang bunga ng aking mga katuruan na pawang nagmula sa Salita ng Diyos.

Sa kabila nito, ang pakiramdam ko ay masyado pa ring kakaunti ang aking naaabot at nababahaginan ng pagpapalang kaalaman at karunungan.  Gusto kong lumawig pa ang aking impluwensiya.  Para maabot ang aking layunin na magturo pa sa mas maraming tao, nagtayo ako ng isang consultancy company na tinawag kong PTL Institute for Training and Development.  Nais kong magturo sa mga Filipino kung paanong makaalpas sa karalitaan sa pamamagitan ng pag-iipon at pagnenegosyo.  Nakiusap ako sa aking ama at pinayagan niya akong magtayo ng opisina sa kanyang gusali. Ibinigay niya ang garahe at ginawa ko iyong opisina.  Inarkila ko ang nakababatang kapatid ng aking asawa para maging Office Assistant.  Bumili ako ng mga gamit sa opisina.  Nagdisenyo ako ng mga programa kung paanong magtayo ng negosyo.  Inalok ko ang aking mga programa sa mga simbahang Kristiyano at mga samahan ng mga manggagawa dahil sila ang may pinakamaraming mahihirap na miyembro. Subalit sa aking kalungkutan, hindi sila handang gumamit ng serbisyo ko.  May mga nagpakita ng interes na magpasanay sa akin, subalit nang malaman nilang may bayad, umurong sila.  Napagtanto kong marami palang mga institusyong “mukhang libre”.  Hindi nila naisip na nagpapasuweldo ako ng tao, nagbabayad ako ng koryente, tubig at telepono.  Naluluma ang aking mga kagamitan sa opisina.  Naggugugol ako ng pag-iisip at oras sa negosyo.  Akala nila ay libre lang ang lahat nang ito.  Sa madaling salita, hindi nagtagumpay ang negosyo kong ito.  Nang inanyayahan ako ng Unibersidad na mag-aral ng Master’s degree sa bansang Netherlands, isinara ko ang aking consultancy company. (Abangan ang karugtong).

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.



Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.

Comments are closed.