PARA YUMAMAN, PUMILI NG MAHUHUSAY NA KATULONG

Heto Yumayaman

“KUNG paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo, gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo. ” (Kawikaan 10:26)

Nagtayo ako ng negosyong ang pangalan ay Passion for Perfection.  Para makatipid sa gastusin, sa bahay ko lang itinayo ang negosyong ito.  Ang dati naming silid-aklatan ay ginawa kong opisina.  Dahil dito, wala kaming gastos sa pagrenta ng mamahaling opisina sa Ortigas, Makati o BGC.  Marami akong mga kaibigang gumaya sa negosyo ko.  Nagtayo rin sila ng consultancy business, subalit nangupahan sila sa mga mamahaling opisina.  Ilang buwan lang ay nagsara na sila dahil naubos ang kapital nila sa pagbayad lang ng renta.

Isa pang pagpapala ng Diyos sa akin ay binigyan niya ako ng mga Office Assistants (Katulong sa Opisina) na mahuhusay at propesyonal ang kaisipan.  Una diyan ay si Jaylene Sarmiento.  Nagtapos lang siya ng dalawang taong vocational course sa Office Administration, subalit sobra ang galing niya.  Para hindi siya mahuli sa pagpasok sa opisina, nangupahan siya ng kuwartong malapit sa aming bahay.  Lagi siyang nasa tamang oras kung pumasok.  Lahat ng kagamitan sa opisina ay marunong siyang gumamit – computer, printer, fax machine, photocopier, atbp.  Isang turo lang ng misis ko sa kanya ay natutunan na niya kaagad.  Siya iyong tipo ng manggagawa na kahit iwan mo sa opisina ay mapagkakatiwalaan mong hindi magpapabaya o magpapabandying-bandying.  Unang-una, may takot siya sa Diyos.  At pangalawa, maganda talaga ang pagkakahubog ng paaralan niya sa kanyang pag-iisip, kaya nagkaroon siya ng malasakit sa opisina.

Ang pangalawang mahusay na empleyado namin ay si Yeng Bajaro.  Siya ay pinsan ng aking misis.  Dahil mahirap lang sila sa probinsya at hindi siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang, ipinadala siya bigla sa aming tahanan.  May pakiusap ang mga magulang niya sa amin na kami na lang daw ang bahala sa pag-aaral ng kanilang anak.  Kaya pinag-aral namin siya sa kolehiyo.  At nagtrabaho rin siya bilang Office Assistant.  Kahit hindi siya ubod nang talino kagaya ng mga nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan kami ni misis ay nagtapos, subalit sobra ang ganda ng kanyang work attitude.  Mapagmalasakit siya sa opisina.  Mapagkakatiwalaan siya sa anumang pera.  Hinding-hindi siya magnanakaw.  Kontento siya sa kanyang suweldo.  Dahil madalas na naiiwan namin siya sa bahay kung may lakad ang aking pamilya,  nakakatiyak kaming walang mawawala sa aming bahay.  Ang ugali niyang “mapagkakatiwalaan” ay isang kakayahang hindi mapapantayan ng anumang pera.  (Nagkaroon kami minsan ng empleyadong nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas na ubod nang talino, subalit laging huli kung pumasok, naghihintay lang na mautusan ng gagawin, walang pagkukusa at hindi tapat sa salita). Napagtanto namin ni misis na aanhin namin ang ubod ng talino subalit tamad naman?

Isa pang empleyado naming magaling as si Rina Pacapat.  Siya rin ay ubod nang matapat ang ugali.  At napakadali niyang turuan.  Madiskarte siya.  Lahat ng problema sa pakikipag-ugnay sa gobyerno ay may paraan siyang malutas iyon.

Si Haring Solomon ay gayon din.  Kasama sa malaking tagumpay at pagyaman niya ay dahil mahusay siyang pumili ng magiging katulong sa pamumuno.  Kumuha siya ng mga matapat na pari (o pastor) na nagbigay sa kanya ng payong espirituwal para matiyak na hindi siya lumalabag sa kalooban ng Diyos.  Kumuha siya ng mga kalihim (secretaries) na hindi nagbubulgar ng mga trade secrets ng kanyang pamumuno.  Kumuha siya ng isang tagapagtala ng kasaysayan para matuto siya sa mga pagkakamali sa nakaraan at para maipaalaala sa kanya kung ano ang mga nakasanayang tuntunin sa nakaraan. Kumuha siya ng isang punong commander na tapat sa kanyang pamumuno at kayang magpasunod sa sandatahang lakas.  Hinati niya ang kanyang nasasakupang kaharian sa labin-dalawang distrito at nagtalaga siya ng mga tapat na tao para maging gobernador sa bawat distrito.

Mayroon siyang tagapangasiwa ng kanyang palasyo.  Mayroon din siyang manager na namamahalang humanap ng mga manggagawa para sa kanyang maraming proyekto.

Ang labindalawang gobernador niya ay binigyan niya ng tungkulin na mamahala sa paghahatid ng pagkain at lahat ng mga yamang kailangan ng Hari para pamunuan ang kanyang malaking tahanan at lahat ng mga opisyal sa pamahalaan isang buwan sa isang taon.  Napakaliit na buwis ito.  Ito ay 8% lang na buwis kada taon.  Samantalang sa panahon ngayon, ang mga kompanya ay inaatasang magbayad ng 35% buwis; kaya tuloy nagtatago ang maraming mga kompanya para makaiwas sa pagbabayad ng buwis.

Dahil sa pamumunong matalino ni Solomon, ang buong bayang Israel ay nabuhay sa kapayapaan at kaunlaran.  Ang bawat mamamayan ay may sariling bahay at lupa, pati ubasan at bukiring may mga punong-kahoy.  Ang bawat isa ay nakakakain, nakakainom at masaya.  Lumawak ang nasasakupan ni Solomon at naging isang imperyo ito mula sa Ilog Euphrates hanggang sa Ilog ng Ehipto.  Sa modernong panahon, nasakupan niya ang mga bansa ng Israel, Lebanon, Syria, Iraq, Kuwait, Jordan at iba pang karatig-lugar.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YoutTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)