KAHIT gaano ka kagaling, kahit na hanggang langit ang papuri sa iyo ng mga tao at sinasabi nilang magaling ka raw, huwag mong isiping magaling ka, isipin mo pa rin, “Paano pa ako mag-iibayo?” Iyan ang bagong pilosopiyang natutunan ko kay Doodz, ang mahusay kong resource person. Dahil galing ako sa unibersidad, napansin kong masyado akong teyoretikal.
Kulang ako sa praktikal na aplikasyon. Ang komento ng ilan sa aking tagapakinig, masyado raw akong “pedantic”, na ang ibig sabihin ay masyado akong palaturo na gaya ng isang propesor sa unibersidad. Ang paraan ng aking komunikasyon ay hindi kapantay ng kausap ko, kundi para akong mas mataas kaysa sa kanila. Hindi maganda ito. Isa pa naman akong trainer o tagapagsanay. Ipinanalangin ko sa Panginoon na gawin niya akong isang dinamikong industry trainer. Paano ko matatamo ito?
Naisipan kong sumali sa kilalang Dale Carnegie Course na dinesenyo ng Dale Carnegie and Associate ng New York, USA. Si Dale Carnegie ay isang anak ng magsasaka sa Estados Unidos. Pagkatapos ng kolehiyo, namasukan siyabilang ahente (salesman) ng mga delatang karne. Sa trabahong ito, natuto siyang maging magaling na tagapagsalita, subalit hindi siya masaya sa pagiging isa lamang empleyadong ahente na tumatanggap ng maliit na kita. Naisipan niyang mag-sideline business.
Sumali siya sa isang Public Speaking Course na bigay ng Young Men’s Christian Association (YMCA). Napansin niyang ang lahat ng tao, kasama na ang mga may mataas na katungkulan gaya ng may-ari o tagapangasiwa ng mga kompanya, ay takot magsalita sa harap ng maraming tao. Mayroong malaking pangangailangan ng pagsasanay sa public speaking.
Dahil dito, nagdesenyo siya ng sarili niyang praktikalna kurso sa public speaking para sa mga manager at ehekutibo ng mga kompanya. Nagulat siyang napakaraming nag-enroll sa kanyang kurso at malaki ang kinita niya.
Nagsaliksik siya sa aklatan at wala siyang makitang mahusay na aklat tungkol sa pakikipag-ugnay sa tao (human relations) at paanong kontrolin ang nerbiyos o takot, na siyang kailangan ng mga tagapangasiwa ng mga kompanya.
Ang ginawa niya ay nagpanayam siya ng mga malalaki at kilalang tao gaya nina Andrew Carnegie, Rockefeller, Charles Schwab, atbp. (Sila ang parang mga Henry Sy, Manny Villar, Augusto Ayala, John Gokongwei ng Filipinas) para madiskubre ang sikreto ng pagtatagumpay sa buhay at paanong makontrol ang nerbiyos, balisa o takot.
Sumulat si Dale Carnegie ng dalawang aklat na patok sa mga mambabasa, ang “How to Win Friends and Influence People” at ang “How to stop worrying and start living.” Kumita nang malaki ang mga librong ito, at ito rin ang naging mga textbook sa kanyang mga kurso.
Bago ako mag-enroll sa Dale Carnegie Course, sumali muna ako sa kanilang patikim na presentasyon. Doon itinuto ang anim na prinsipyo na sinusunod ng Dale Carnegie Course. Una, ang lahat ng tao ay gaya ng isang baul ng kayamanan na nakakandado. Mayroon tayong 100 billion brain cells na ibinigay ng Diyos sa atin. Ang malungkot nga lang, hindi ginagamit ng marami ang kanilang nakatagong angking kahusayan dahil sa takot o kamangmangan.
Pangalawa, ang aklat na “How to Win Friend and Influence People” ay isang paraan para mabuksan ang kandado ng baul ng kayamanan. Kailangang gamitin ang mga prinsipyo ng wastong pakikpag-ugnayan sa kapwa tao.
Ang pangatlo ay ang prinsipyo ng “alarm bell.” Tumutunog ang alarm bell kapag may emergency, gaya ng sunog. Ang ibig sabihin nito ay panahon na ang gumising sa pagkakatulog at kumilos, sapagkat mabilis ang pagtanda ng tao at lumilipas ang mga pagkakataon para magtagumpay.
Pang-apat, dapat ay may kapartner tayong tutulong sa atin. Sa isang opisina, ang pinakamabuting partner para magtagumpay sa trabaho ay ang taga-pangasiwa o superbisor. Dapat ay kaibigan mo ang boss mo. Kung hindi, maaaring siya ang maging balakid sa pagtatagumpay sa iyong trabaho. Subalit kung maganda ang relasyon ninyo, tutulungan ka niyang umangat.
Panlima, ang bawat isa sa atin ay may tinatawag na“comfort zone” na maliit at masikip. Pinipigilan tayo ng ating comfort zone para umanagat sa buhay. Huwag dapat tayo masyadong matatakutin. Dapat ay gumamit tayo ng lakas ng loob para tumuklas at sumubok ng mga makabagong pamamaraan. Huwag tayong makuntento sa kaunting kaalaman o kakayahan. Huwag tayong makuntento sa kakaunting nagagawa o natatapos. Dapat ay maging mga achiever tayo. Umabot pa tayo ng mga bagong layunin at adhikain. Hatakin at pahabain pa natin ang ating mga kakayahan.
Ang panghuli, gamitin natin ang tinatawag na “Cycle of Self-Mastery.” Ayon dito, ang bawat tao ay mayroong apat na bahagi sa kanyang pagkatao – Attitude, Knowledge, Practice at Skill. Ang attitude ang pinakaimportante.
Kung ayaw mo, hindi ka matututo. Dapat ay nananabik tayong matuto ng mga bagong bagay. Kapag bukas ang attitude mo, madali kang matututo ng mga bagong kaalaman (Knowledge). ‘Pag marami ka nang kaalaman, dapat ay gamitin mo ito nang paulit-ulit (Practice). Humanap ka ng isang bihasang tagapayo (coach) na magtuturo sa iyo ng mga tamang teknik. Sa kakaulit-ulit mo ng paggamit, malilinang ang iyong kasanayan o kahusayan (skill). (Sundan ang susunod na kuwento).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.