PARA YUMAMAN, SUNDIN ANG TADHANA MONG GALING SA DIYOS

Heto Yumayaman

ANG posisyon ko noon ay Training and Development Manager ng isang malaking kompanya sa Makati.  Ang pakiramdam ko, isa itong gawaing nilikha ng Diyos para sa akin dahil gustong-gusto ko talaga maging isang tagapagsanay.  Malaki ang kagalakan ng puso kong magturo sa ibang tao at makita silang humuhusay sa kanilang trabaho at natutuwa ang kompanya dahil dito.

Bagama’t masaya ako sa aking trabaho, ang pakiramdam ko ay parang mayroon pa ring kulang.  Ang pa-kiramdam ko, nagiging masyado nang maliit ang trabaho ko para sa akin.  Ang dami ko pang kaalaman at kakayahang hindi nagagamit sa aking trabaho.  Kahit na volunteer ako nang volunteer sa samu’t saring gawain sa opisina, at marami akong ginagawang “extra mile services,” parang kulang pa rin.  Nagbulay-bulay ako, at naisip ko na sadya yatang nilikha ako ng Diyos para maging isang negosyante.  Dumating ang punto sa buhay ko na wala nang posisyon sa anumang kompanya na makapagbibigay sa akin ng kasapatan sa trabaho.  Ang talagang magpapasaya sa akin ay ang magsarili — ang maging may-ari ng sarili kong negosyo.

Nagsangang-daan ang buhay ko.  Puwede naman akong manatili sa pagiging empleyadong manager ng aking pinagtatrabahuhang Multinational Company dahil mataas naman ang aking posisyon, at ako ang hinuhubog na maging susunod na pinuno ng Human Resources Division, at mataas naman ang aking suweldo, subalit ang pakiramdam ko, hindi ko nagagamit ang lahat ng talento at kakayahang binigay ng Diyos sa akin.

Naalaala ko ang kuwento ng Panginoong Jesus sa Bibliya na may tatlong manggagawang binigyan ng amo nila ng salapi para inegosyo.  Ang una at pangalawa ay masipag at ininegosyo nga nang mabuti ang salaping pinagkatiwala sa kanila, at kumita ng malaking tubo ang puhunan nila.  Subalit ang pangatlo ay nagbaon lang ng kanyang salapi sa lupa para siguradong hindi mawawala.  Pagbalik ng kanilang amo at sila’y ipinagsulit, pinuri ng amo ang unang dalawang manggagawa dahil sa kanilang sipag at talino.  Subalit pinagalitan at pinarusahan ang pangatlo dahil sa kanyang katamaran at kawalan ng diskarte sa buhay.  Ayaw ng Panginoon na ibaon lamang natin ang mga kaloob niyang kakayahan at talento.  Natusok ang budhi ko sa kuwento na ito ng Panginoon.  Huwag ko dapat sasayangin ang aking mga angking kakayahan.  Kaya nalito ako kung ano ang dapat kong gawin.

Humingi ako ng payo mula sa ilang pastor at lider-Kristiyano.  Subalit wala naman silang ibinigay na mabuti at makatutulong na payo kundi sabihin sa akin, “Manalangin ka lang, kapatid.”  Hindi ako kontento sa kanilang payo.  Pero ganoon nga ang ginawa  ko, nanalangin ako nang nanalangin.  Isang gabi, nagkaroon ako ng isang panaginip.  Napanaginipan ko na ako ay nakatayo sa isang entablado na may taas na tatlong piye, at may hawak-hawak akong isang mahabang papel na listahan ng mga katangian ng isang tao.  Sa harapan ko ay isang malaking grupo ng mga tagapakinig.  Binasa ko ang listahan na hawak ko at pagkatapos ay humarap ako sa mga taong nasa harapan ko at sinabi sa kanila, “Ayon po sa listahang ito, ako ay 95% isang propetang negosyante.”  Hindi ko lubos na naunawaan ang ibig sabihin ng aking panaginip.  Nagtanong ako sa isang pastor, si Pastor Rich Conte, kung ano ang ibig sabihin niyon.  Sinabi niya, “Kapatid na Rex, ang ibig sabihin niyan, ikaw ay magtatagumpay sa negosyo at ipapasa mo ang kakayahan mo sa negosyo sa maraming tao.”  Nanabik ako sa sinabi niya.  Hindi ko lang alam kung kailan ako magbibitiw sa trabaho at magsisimulang maging negosyante.

Nanalangin na naman ako, “Panginoon, Kailan ako magbibitiw sa aking trabaho at magsisimulang magnegosyo?”  Ilang araw na hindi sumagot ang Panginoon.  Nalilito ako kung ano ang gagawin.  Isang araw, bumili ako ng pelikulang “Lion King”, na isang pelikulang cartoon para sa aking mga anak.  Ang Lion King ay tungkol sa isang batang leong ang pangalan ay Simba na ipinanganak para maging susunod na Hari ng kanilang nasasakupan.  Subalit ang kanyang masamang tiyuhin ay pumatay sa kanyang amang hari at sinisi ang batang si Simba sa pagkamatay.  Hinimok ng masamang tiyo si Simba na tumakas at huwag nang babalik.  Nadestino si Simba sa isang malayong lugar at namuhay siyang pinipilit na ibaon sa limot ang kanyang “kasalanan,” hanggang lumaki siya at naging isang ganap na leon.  Natagpuan siya ng kanyang matalik na kaibigan at kasintahan at ibinalita sa kanyang ang kanilang bayan ay pinamumunuan ng masamang tiyo at nahulog sa karalitaan at kaguluhan.  Inudyok ng kasintahan si Simba na bumalik sa kanilang bayan para iligtas ito.  Bumalik nga si Simba at dinaig ang masamang tiyo at naligtas niya ang kanyang bayan.  Pagkatapos, naging isa siyang mahusay na pinuno at bumalik ang kaunlaran ng kanyang bayan.  Nangusap sa akin ang pelikulang ito na parang ako ay si Simba.  Nadestino ako sa pamamasukan samantalang marami akong kakayahang maging mahusay na negosyante at magiging pagpapala ako sa maraming tao kung aangkinin ko ang tunay na tadhana ko mula sa Diyos. Dahil dito, nagpasya akong magbitiw sa aking trabaho at nagsimula ako ng aking negosyong Passion for Perfection.  Binigyan ako ng malaking tagumpay ng Diyos at napakaligaya ko.



(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PER-FECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)

9 thoughts on “PARA YUMAMAN, SUNDIN ANG TADHANA MONG GALING SA DIYOS”

  1. 454769 211001In todays news reporting clever journalists work their own slant into a story. Bloggers use it promote their works and many just use it for fun or to stay in touch with friends far away. 43900

Comments are closed.