NAGING kilalang guro ako ng kursong Pagsasanay ng mga Tagapagsanay sa Unibersidad ng Pilipinas. Dahil nakita ng aking mga estudyante na todo-bigay ako sa pagtuturo, tumaas ang istandard ng kahusayan sa aking klase. Kapag mga estudyante ko na ang nakatokang magturo ng mga paksang nakatakda sakanila, pati sila ay nagiging todo-bigay rin sa pagtuturo nila.
Kapag mayroon akong estudyanteng napakagaling sa paghahanda at pagtuturo, abot-langit ang papuri ko sa kanya. At sinasabi ko sa ibang estudyante, “Ganyan ang tamang pagtuturo! Gayahin ninyo o lampasan ninyo pa ang ipinamalas niya.” At kapag pipitsugin naman ang pagkakaprisinta ng isang estudyante, ipinakikita kong masama ang loob ko at sinasabi, “Bakit naman ganyan lang ang paghahanda mo? Dapat mas paghandaan mo pa. Seryosohin mo ang iyong takdang-gawain.
Hindi puwede ang puwede na. Ayoko nang binabasa mo lang ang report mo. Dapat ay propesyonal ang presentasyon mo. Gamitan mo pa ng mas maraming makabagong metodo at technique. Gamitan mo pa ng mas mahusay na visual aids. Gayahin mo iyong istandard na ipinakita ko sa inyo at ipinakita ng iba ninyong mahuhusay na kamag-aral.” Kung minsan ay pinauulit ko ang presentasyon niya.
Nakita ng mga mag-aaral ko na para sa akin, hindi puwede ang puwede na. Pinauulit ko ang mga palpak na presentasyon. Dahil dito, nagkaroon ako ng reputasyong mabait na guro, subalit kung hindi mo huhusayan ang trabaho mo, magagalit ako. Tuloy, ang naging kasabihan nila sa isa’t isa ay, “Naku! Ang taas ng istandard ni Sir Rex. Dapat husayan natin ang paghahanda natin.”
Kung minsan ay nagkakasakit na ang ilang estudyante ko dahil hindi na natutulog dahil sa pagsusumikap na ma-perfect ang presentasyon nila.
Nag-enroll ako sa PhD kurso sa Kolehiyo ng Edukasyon. Nang kinausap ko ang isang guro para payagan niya akong mag-enroll sa klase niya, tinanong niya ako, “Ano ba ang pangalan mo?” Sinabi ko, “Si Rene Resurreccion po.” Bigla siyang lumingon sa akin at sinabi, “Ikaw ba si Rene Resurreccion, ang guro sa Institute of Industrial Relations?” Sagot ko, “Opo, ako nga. Paano ninyo po ako nakilala?” Ang sagot niya, “Aba! Your reputation precedes you. Maraming edtudyante sa kolehiyo namin ang nage-enroll sa klase mo at ikinakalat sa iba pang mga estudyante na mahusay ka raw magturo at dapat daw ay mag-enroll din sila.” Salamat sa Diyos sa kanyang kabutihan sa akin.
May isang hindi magandang ginawa ang opisina ko sa mga estudyante namin. Ang klase ng iba naming guro ay may apat, lima o pinakamarami na iyong walong edtudyanteng nag-e-enroll. Katunayan, sa UP, karaniwan sa Master’s level na ang mga klase ay ganito lanang kaliit. Subalit sa klase ko, bagaman Master’s level din kami, kung minsan ay umaabot ng dalwampu o tatlumpung estudyante ang nag-e-enroll sa akin. Kaya may tusong technique na ginamit ang aking opisina. ‘Pag enrollment period na, isusulat ng opisina ko na ang guro na hahawak ng ilang kurso ay si Rene Resurreccion. Marami ngayong mag-e-enroll na estudyante, na umaabot sa dalawampu.
‘Pag ang kurso ay “Pagsasanay ng mga Tagapagsanay”, kung minsan umaabot ng tatlumpung estudyante. Subalit pagbukas ng semestre, hindi pala ako ang pagtuturuin; ibang guro ang aatasan nilang humawak noon. Kung minsan naman ay hahatiin sa dalawang klase ang isang kursong may tatlumpung estudyante, at iba ang hahawak ng pangalawa. Ang laki ng pagkasiphayo ng mga estudyante. Pumapasok sa kuwarto ko ang ilan sa kanila para magreklamo, “Sir, bakit hindi kayo ang magtuturo ng klase namin? Kaya nga kami nag-enroll dahil akala namin ay kayo ang magiging guro.” Nalulungkot ako para sa kanila, pero wala akongmagawa.
Dahil todo-bigay akong magturo at minamahal ko ang mga estudyante, inspirado silang mag-aral. Todo-bigay rin sila sa pagsusumikap sa paghahanda at pagprisinta ng kanilang mga paksa. Pulido ang kanilang trabaho. Sa dulo ng semestre, siyempre bibigyan ko sila ng mataas na grado dahil sa husay ng kanilang gawain (ang pinakamataas na grado sa UP ay 1.0). Mayroon din kaming students’ evaluation ng mga guro.
Ang taas din ng ebalwasyon ng mga estudyante sa akin. Paglabas ng resulta, lumilitaw na ako ang isa sa pinakamataas ang ranggo sa lahat ng mga guro ng UP.
Nakapagtataka subalit may ilan akong mga kapwa-guro na hindi natutuwa sa akin. Bagkus ay naiinis at naiinggit sila. Hindi naman ako nakikipagkumpetensiya sa kanila; ginagawa ko lang naman ang aking trabaho. Pero sila ay nanggagalaiti sa galit at inggit. Nag-uusap-usap ang ilan sa kanila na nagsasabi, “Iyang si Rex, nakikipag-popularity contest sa mga estudyante.” Walang katotohanan ito.
Katunayan nga, pinagagalitan ko ang mga estudyanteng hindi naghuhusay sa kanyang gawain. Minsan, mayroon akong estudyante at napag-alaman niyang pareho kaming ‘Born Again Christian’. Nang malaman niya ito, nagpabandying-bandying siya at nagtamad. Hindi ko ito nagustuhan. Pag bigay ko ng grado, ang ibinigay ko sa kanya ay gradong 3.0, na para sa Master’s Level ay parang bagsak na grado. Lumapit siya sa akin, “Sir, bakit naman ang baba ng gradong binigay mo sa akin samantalang magkapatid naman tayo sa Panginoon?” Sinabi ko sa kanya, “Mas mataas ang inaasahan ko sa iyo dahil anak ka ng Diyos!
Hindi puwede sa Diyos at hindi puwede sa akin ang katamaran at pabandying-bandying na pag-uugali.” Namutla siya sa sinabi ko. Hindi ko kinukunsinti ang katamaran. (Abangan ang karugtong).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.