“HUWAG mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang kaibigan ng iyong magulang… Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit kaysa isang malayong kapatid.” (Kawikaan 27:10)
Ang kayamanan ay hindi lang masusukat sa pera. Maraming iba’t ibang uri ng kayamanan. Ang pagkakaroon ng tapat at maaasahang kaibigan ay isang kayamanan. Ang pagkakaroon ng karunungan para umiwas sa maraming gastos ay isa ring kayamanan. Mayroon si Solomon ng ganitong kayamanan – mabuting kaibigan at karunungang umiwas sa gastos.
Isa sa matalik na kaibigan ni Solomon ay si Haring Hiram ng Tiro ng bansang Lebanon. Ang Tiro ay nasa tabing dagat at ang bansang Lebanon ay bulubunduking lupain. Kaunti lang ang kanilang patag na lupa, kaya kinukulang sila sa pagkain. Kailangan nilang mag-angkat ng pagkain para mabuhay ang kanilang populasyon. Subalit binayayaan ng Diyos ang bansang ito ng maraming maiinam na punong-kahoy kagaya ng cedar at juniper. (Ang mga punong ito ay matitibay kagaya ng punong-Narra at Mulawin ng bansang Pilipinas.) Magandang gamitin ang mga ito sa pagpapagawa ng mga dakilang gusali na tatagal ng daan-daang taon. Samantala, ang bansang Israel ay may maraming mga patag na lupa na tinatamnan ng mga halamang pagkain. Sobra-sobra sa pangangailangan ng Israel ang nalilikha nilang pagkain.
Mahal na mahal ni Solomon ang Panginoong Diyos. Alam niyang ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang Hari ng Israel. At alam niya na nagbigay ng pahayag ang Diyos sa kanyang amang si David, “Hindi ikaw ang gagawa ng templo para sa akin, kundi ang anak mong si Solomon.” Kung suwail sana si Solomon, at hindi niya ginawa ang templo ng Diyos, hindi sana matutupad ang pahayag ng Diyos at magiging parang sinungaling ang Diyos. Subalit pinili ni Solomon na tumupad sa salita ng Diyos. Kasama sa karunungan ni Solomon ang maging mapagpasakop at masunurin sa Diyos. Kumalat sa buong mundo ang balita tungkol sa kanyang dakilang karunungan.
Umabot kay Haring Hiram ng Tiro ang balita tungkol sa kanya. Si Hiram ay kaibigan din ni Haring David na ama ni Solomon. Nagpadala ng mga ambasador si Hiram kay Solomon para papurihan siya at upang patatagin ang pagkakaibigan ng kanilang dalawang bansa. Isang modelo ng mabuting ugnayan ng mga bansa ang kasunduan nina Hiram at Solomon. Nagpadala ng mensahe si Solomon kay Hiram na nagsasabi, “Plano kong gumawa ng dakilang templo para sa Panginoong Diyos na maylikha ng buong daigdig. Napakadakila ng gusaling gagawin ko dahil hindi ito para sa tao kundi para sa Diyos. Kaya padalhan mo ako ng walang kasing inam na mga punong-kahoy mula sa iyong bansa – ang mga matitibay na punong cedar at juniper. Babayaran kita ng anumang bayad na gusto mo. You name your price! (Sabihin mo lang kung magkano ang gusto mong bayad.)”
Tuwang-tuwa si Hiram sa mensahe ni Solomon. Pinuri niyang muli ang kaibigan, “Purihin ang Diyos sa iyong karunungan. Kailangan ng bayan ko ng pagkain. Kaya, magpapaputol ako ng mga punong cedar at juniper. Dadalhin namin sa karagatan ng Mediteraneo at gagawin naming mga balsa ang mga ito at ihahatid namin sa bayan ng Joppa sa bansang Israel at kakalasin namin doon. At kayo na ang bahalang magdala ng mga punong-kahoy sa Jerusalem. Bilang kabayaran, bigyan mo kami ng pagkaing trigo (wheat) at langis ng olibo.”
Nagkasundo ang dalawang hari. Nagpaputol ng maraming punong cedar at juniper si Haring Hiram at ipinadala sa Israel, na anupat naging kasing dami ng ordinaryong punong sikamoro ang mga mamahaling kahoy na ito – sobra sa pangangailangan ni Solomon. Bilang kapalit, nagpadala si Solomon kay Hiram ng 2.5 milyong kilo ng trigo at 500,000 litro ng langis ng olibo. Masayang-masaya si Haring Hiram dahil sa wakas makakakain nang masagana ang kanyang mga kababayan.
Alam ni Solomon na maraming mga taong Canaanita na nakatira sa bayang Israel. Nang sakupin ng Israel ang lupain ng Canaan noong panahon ni Josue, nakiusap ang ilang Canaanita na huwag silang puksain. Pumayag si Josue sa pakiusap na ito, subalit bilang kapalit, pumayag ang mga Canaanita na magtatrabaho sila nang walang bayad para sa Israel. Dumami ang saling-lahi ng mga Canaanitang ito. Ayon sa kasunduan, ginamit ni Haring Solomon ang mga Canaanitang maging mga manggagawang walang bayad at taos-pusong pumayag naman sila. Dahil dito, nagkaroon si Solomon ng maraming manggagawang walang bayad – 30,000 na magpuputol ng punong kahoy mula sa Lebanon. Hinati sila sa tatlong grupo. Bawat grupo ng 10,000 manggagawa ay magtatrabaho sa Lebanon ng isang buwan at dalawang buwan na magpapahinga sa Israel. Bukod dito, mayroon ding 80,000 na magtatrabaho sa mga bato sa quarry; 70,000 ang tagabuhat at tagahatid ng bato; at 3,300 ang kapatas na mangangasiwa sa mga proyekto. Dahil sa sistemang ito ni Solomon, marami siyang napagawang mga dakilang gusali nang walang gastos sa manggagawa. Para tayo yumaman, sana makahanap tayo ng kaibigang kagaya ni Haring Hiram ng Tiro at magkaroon tayo ng talino na umiwas sa maraming gastos.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)