(Ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang inaabangan ang pagsapit ng weekend o mga panahong walang pasok sa opisina at eskuwelahan. Kinasasabikan nga naman ng magkakaibigan at magkakapami-lya ang ganitong pagkakataon sapagkat makapaglalaan sila ng panahon sa isa’t isa.
Panigurado ring marami na sa atin ang excited sa tuwing papalapit na ang weekend. Nagpaplano na rin sa mga puwedeng gawin nang maging produktibo at masaya ang mga araw na walang pasok o trabaho.
At sa mga nag-iisip ng mga puwedeng gawin nang maging produktibo at walang kasing saya ang weekend, narito ang ilan sa mga activity o bagay na maaari ninyong gawin:
MAGBASA NG LIBRO
Isa sa paraan upang ma-relax tayo ay ang pagbabasa ng magagandang libro. Oo nga’t marami sa atin ang walang kahilig-hilig sa pagbabasa.
Gayunpaman, hindi rin mabilang ang mga benepisyong naidudulot ng pagbabasa sa bawat indibiduwal. Bukod sa nakapagpapa-relax ito ay nakatutulong din ito upang madagdagan ang ating kaalaman at bumilis ang ating isipan.
Kaya namana mga estudyante, napakahalaga ng pagbabasa ng magagandang libro ng maging alerto ang isipan. Sa mga empleyado naman, napakahalaga ring nakapaglalaan tayo ng panahong magbasa nang madagdagan ang ating kaalaman.
Tandaan nating napakarami nating kakompetensiya sa mundo o sa opisinang ating ginagalawan. At kung hindi natin palalawakin ang ating kaalaman at kakayahan, siguradong mapag-iiwanan tayo.
MAGSIMBA AT MAMASYAL
Napakahalaga ring nakapaglalaan tayo ng panahong magpasalamat sa lahat ng mga biyayang dumarating sa atin sa araw-araw. Kaya naman, para maging produktibo ang weekend, mahalagang nakapagsisimba tayo.
Puwede rin namang pagkatapos na magsimba at makapagpasalamat sa Diyos ay mamasyal kasama ang pamilya.
Kakaiba ang ligayang dulot ng pamamasyal kasama ang pamilya. Puwede rin naman kayong magplanong mag-outing. Nga-yong umiinit na ang panahon, napakasarap ang magtampisaw sa tubig.
BISITAHIN ANG CULTURAL SITES
Makatutulong din ang pagtungo sa cultural sites upang madagdagan ang ating kaalaman. Kaya isa rin ito sa maaari nating subukan kapag mayroon tayong panahon.
Bukod nga naman sa nagkakaroon na tayo ng dagdag na kaalaman, at mababalikan natin ang nakaraan dahil sa pagbisita sa cul-tural sites gaya ng museum, nakapagpahinga ka pa at na-relax kasama ang pamilya.
MAGLINIS AT PAGANDAHIN ANG TAHANAN
Kung tinatamad naman kayong umalis ng bahay, isa rin naman sa masayang gawin ay ang paglilinis ng bahay at ang pagpapa-ganda nito.
Dahil alam naman nating abala ang bawat miyembro ng pamilya—sa trabaho man o sa eskuwelahan, kung sama-sama ninyo itong gagawin sa mga panahong libre kayo, mas mapadadali. Higit sa lahat, makapagba-bonding din kayo.
Puwede rin namang habang naglilinis kayo ng bahay at nagdedekorasyon ay magkukuwentuhan kayo ng mga bagay-bagay na nangyayari sa inyo sa araw-araw.
Sa ganitong paraan, magiging updated kayo sa mga nangyayari sa isa’t isa. Malalaman din ninyo kung ano-ano ang kinahaharap na problema ng inyong mahal sa buhay at mapag-iisipan kung paano sosolusyunan.
SUMUBOK NG MGA KAKAIBA AT BAGO
Higit na magiging mas masaya rin ang weekend kung magkakaroon ng dagdag sa iyong FIRSTS. Ibig sabihin ng “first” ay mga bagay na ngayon mo pa lang susubukan.
Halimbawa riyan ang pagluluto. Kung hindi ka marunong magluto, maaari kang magpaturo sa pamilya mo. O kaya naman, manood kayo sa youtube o mag-research kung paano magluto.
Sabihin mang mahirap ang gawaing ito, kapag natutunan naman ninyo, tiyak na masisiyahan kayo.
MAG-RELAX
Higit sa lahat ang pagpapahinga at pagre-relax. Importante ring nakapaglalaan tayo ng panahon sa ating sarili.
Makatutulong din kasi ang pagpapahinga upang maibalik ang lakas na nawala sa atin at upang makayanan nating lampasan ang mga pagsubok na haharang-harang sa ating daraanan.
Maraming paraan upang maging produktibo ang weekend. Mag-isip lang tayo. At higit sa lahat, mag-enjoy.
Comments are closed.