PARAAN NANG MAIWASAN ANG PAGKALAT NG SAKIT SA OPISINA

OPIS-1

(ni CT SARIGUMBA)

NAKATATAKOT nga naman ang sakit na kumakalat ngayon sa paligid. Hindi natin mawari kung sino sa mga taong nakasasalamuha natin o nakakasabay ang may sakit o wala. Marami tuloy ang nababahala.

Pero sabihin mang may kumakalat na sakit at natatakot ang marami sa ating madapuan nito, importante pa rin ang pagtungo sa trabaho nang magampanan ang nakaatang na gawain. Hindi naman natin puwedeng idahilang natatakot tayong magkasakit kaya’t hindi na tayo magtatrabaho. Kaya naman, narito ang ilang tips nang maiwasan ang pagkakasakit at pagkalat ng virus o germs sa opisina:

SIGURADUHING MALINIS ANG WORKSPACE O LAMESA

WORKPLACE-3Bukod nga naman sa pagpapanatiling malinis ng ating kabuuan o katawan, importante ring nasisiguro nating malinis ang lugar na ating pinagtatrabahuan. Halimbawa na rito ang ating opisina o workspace. Siguradu­hing malinis ito sa kahit na anong sandali. Maglagay rin ng wet wipes at alcohol sa lamesa nang may magamit sa paglilinis ng kamay at kasangkapang ginagamit sa pagtatrabaho.

Hindi rin sapat ang pagpupunas ng lamesa. Gumamit ng alcohol sa paglilinis nang masigurong matatanggal ang duming kumapit. Tandaan din natin na ang ating desk o lamesa ang pinakamaruming parte ng opisina.

Una sa pinakamarumi ang telepono at ang sumunod naman dito ang keyboard at mouse na ginagamit natin sa pagtatrabaho. Sa ilang pag-aaral, lumalabas na 3,000 micro-organisms per square inch mayroon ang keyboard samantalang ang bacteria naman per square inch sa computer mouse ay umaabot ng 1,600.

Kaya naman, matapos gamitin ang mga naturang bagay at bago rin gamitin, linisin muna ang mga ito ng mabuti.

HUWAG LALAPIT SA MGA KATRABAHONG MAY SAKIT

Importanteng nag-iingat tayo. Kaya naman, kung napapansing may katrabahong may sakit, huwag lalapit dito at dumistansiya nang hindi mahawaan ng sakit.

Sa totoo lang, mahirap nga namang lumayo sa katrabahong may sakit. Gayunpaman, mahalagang naiingatan natin ang ating kalusugan. At isa sa paraan upang makapag-ingat ay ang paglayo o pagdistansiya sa mga mayroong sakit.

Kung may sakit naman, mainam kung mananatili na lang sa bahay nang hindi na magkalat pa ng germs o virus.

IWASAN ANG PAGHAWAK SA MUKHA

Kung saan-saan tayo napahahawak. Kadalasan din, hinahawakan natin ang mga bagay o gamit na madalas ding hinahawakan ng mga kaopisina natin gaya na lang ng door knob.

Isa ang ating mga kamay sa napakadaling kapitan ng dumi. Kaya naman, upang hindi magkasakit ay iwasan ang pag­hawak sa mukha.

Maging maingat din tayo sa pagbahing o pag-ubo. Gumamit ng tissue kapag nababahing o nauubo nang hindi magkalat ng germs o mahawa ang mga katrabaho.

GUMAMIT NG DISINFECTING WIPES

HUGASAN-KAMAY-2Huwag kaliligtaang maglagay ng disinfecting wipes sa lamesa. Dahil nga sa kung saan-saan napahahawak ang ating kamay, kailangang mapanatili natin itong malinis sa pamamagitan ng paggamit ng disinfecting wipes o alcohol. O kaya naman, hugasan lagi ang kamay nang masigurong malinis ito.

Marami rin sa atin na sa dami ng trabahong kailangang tapusin ay napipilitang mag-lunch o kumain habang nakaharap sa kompyuter. Sa mga ganitong pagkakataon, siguraduhing napunasan muna ang lamesa bago kumain at matapos kumain upang masigurong malinis ito.

Pero hangga’t maaari, iwasan ang pagkain sa desk o lamesa.

KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN

Bukod din sa pagi­ging malinis sa katawan at paligid, mahalaga rin ang pagkain ng masustansiyang pagkain upang hindi kaagad mahawaan ng iba’t ibang sakit na nagkalat sa paligid. Kung malakas na naman ang ating pangangatawan ay may panlaban ito sa mga sakit na maaaring dumapo sa atin.

Oo nga’t habang nagtatrabaho ay napakasarap kumain ng junk food. Ang pagkain ng junk food ay walang naitutulong na mabuti sa katawan. Oo, mahirap itong hindian. Kadalasan din ay hinahanap-hanap ito ng ating panlasa. Gayunpaman, hindi porke’t hinahanap-hanap ito ng ating panlasa ay kakainin na lamang natin. May epekto ito sa kalusugan. Kaya’t huwag natin itong kaliligtaan.

Mainam din kung magbabaon ng mga immune-boosting food gaya ng citrus fruits. Ang mga citrus fruit ay mataas ang taglay na Vitamin C. Bukod din sa citrus food, mainam din ang pagbabaon ng nuts at berries.

Magpahinga rin ng tama at mag-ehersisyo sa araw-araw. Huwag ding kaliligtaan ang pag-inom ng maraming tubig.

MAGING MAINGAT ANG BAWAT ISA SA ATIN

HEALTH-2Maging maingat din ang bawat isa sa atin. Hindi lamang isa o dalawa ang dapat na maging maingat. Kailangang lahat tayo o lahat ng magkakatrabaho. Dahil kahit na sabihin nating mai­ngat tayo pero may mga kakilala naman tayo o katrabahong hindi mai­ngat, maaari pa rin tayong mahawaan ng sakit.

Importanteng napa­ngangalagaan natin ang ating kalusugan, saan man tayo naroon. At dahil isa ang opisina sa nilalagian natin nang mas matagal, siguraduhing may sapat kang kaalaman kung papaano magiging ligtas sa naturang lugar at kung paano hindi kakalat ang germs o virus dito.

Kaya responsibilidad ng bawat isa sa atin ang maging maingat at maalaga sa kalusugan nang maiwasan ang pagkakasakit.

Alagaan natin ang ating mga sarili nang ma-enjoy natin ang buhay kasama ang mahal natin.

(photos mula sa safetymanagement.eku.edu, snacknation.com, novatx.com, blog.daydesigner.com)

Comments are closed.