PARAAN PARA MAGING FIT ANG KATAWAN

UMINOM NG TUBIG

(ni CT SARIGUMBA)

ABALA ang marami sa atin at nawawalan na ng panahong mag-ehersisyo. Sa rami rin naman kasi ng pinagkakaabalahan natin, talagang hindi na natin maiisip pa ang mag-exercise. O kung may panahon man, mas pinipili natin ang magpahinga ng makabawi ng lakas. Kina-kain din natin ang lahat ng gusto natin para  lang mabawi ang nawalang lakas.

Kunsabagay, kay sarap nga namang kumain.

Mahirap din ka­yang magpigil ng sarili lalo na kung sobrang sarap ang nakahaing pagkain sa ating harapan.

Nakakalungkot din at nakasasama ng loob kapag hindi natin nakain ang gustong pagkain.

Gayunpaman, kahit na malakas kang kumain at tamad na ta­mad kang mag-exercise may mga paraan pa rin para maging flat ang belly mo at iyan ay ang mga sumusunod:

HUWAG PIGILIN ANG SARILING KUMAIN

Unang-una, huwag mong pipigilin ang sarili mong kumain.

Habang pinipigil mo kasi ay lalo ka lang natatakam o naghaha­nap ng pagkain. Hindi mo naman kailangang tiisin ang sarili mo at pahirapan, basta’t kumain ka lang ng tama. Nguyaing mabuti at huwag kang magmamadali sa pagkain.

Problema ang hatid ng hindi pagkain sapagkat manghihina ka. Bukod pa roon, baka maapektuhan pa ang trabaho mo. Ang mga tao kasing hindi ku-makain ay nagiging lambutin.

Kumain ng mga masusustansiyang pagkain at iwasan ang mga matataba, maaalat at mamantika. Kung hindi naman mapigil ang sarili sa pagkain ng mga matataba at mamantikang pagkain, kumain lang ng tama at mag-coffee o kaya naman ay mag-tea pagkatapos kumain para matunaw ito.

UMINOM NG MARAMING TUBIG

Ikalawa, uminom ng maraming tubig. Uminom din ng tubig ilang minuto bago kumain ng almusal. Malaki ang naitutulong sa atin ng tubig, hindi lamang para ma­ging fit kundi para mapanatili natin ang ating kagandahan.

Kaya kung gusto mong gumanda, makipag­kaibigan na sa tubig. Isama na ito saan ka man magpunta.

IWASAN ANG PAGIGING KUBA KAPAG NAGLALAKAD O NAKAUPO

Ikatlo, huwag kang kukuba-kuba kapag naglalakad o kaya naman ay nakaupo. Straighten up. Umupo at tumayo ng maayos, hindi iyong parang palagi kang nabibigatan sa balikat mo o sa tiyan.

HUWAG TATAMAD-TAMAD AT MAGLAKAD-LAKAD

Ikaapat, huwag ka ring tatamad-tamad. Ang simpleng paglalakad ay malaki ang naitutulong sa ating katawan para maging fit tayo.  Kaya, kung malapit lang naman ang pupuntahan, makabubuti kong mas pipiliin mo ang maglakad.

Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong magalaw o makilos ay nakakapag-burn ng higit na calories kaysa sa hindi nagkikikilos.

MATUTONG MAG-RELAX

Panghuli ay ang pagre-relax. Yes, mag-relaks. Importante ‘yan. Huwag mong isipin nang isipin ang problema. Oo, parati namang kabuntot natin ang problema.

Halos ayaw rin tayong lubayan ng stress, gayunpaman, matuto tayong magpahinga. Kahit na napakarami nating ginagawa, maglaan pa rin tayo ng panahon para sa ating sarili at maging sa ating pamilya.

Hindi kailangang mamroblema para manatiling fit ang katawan kahit na hindi nag-e-exercise.

Marami naman kasi ang maaaring gawin, gaya na nga lang ng mga ibinahagi namin sa inyo. (photos mula sa depositphotos.com at hindustantimes.com)

Comments are closed.