“AY WAIT, magpo-post muna ako sa Instagram.”
“Iligpit ko nga muna ‘yung lagayan ko ng damit.”
“Nakakatuwa namang tingnan itong mga luma naming picture.”
“Parang masarap kumain ng ice cream, makabili nga muna.”
Makalipas ang tatlong oras.
“Hala, deadline na ng report ko bukas, wala pa akong nasisimulan.”
Pamilyar ba ang linyahang ‘yan sa iyo? Kung oo, ‘di ka nag-iisa. Marami sa atin ay may gawi na madalas ipinagpapaliban ang ilan sa ating mga gawain. Mas inuuna ang gustong gawin kaysa sa mga dapat na gawin.
Ito ay ang tinatawag na procrastination o ang habit ng pagpapaliban at pag-iwas sa iyong mga gawain. Kung saan ay marami kang paraan o delaying tactics para maiwasan na gawin ang dapat mong gawin.
Sa psychology, ang mga taong madalas nagpo-procrastinate ay may magulong sense of time kung saan iniisip nila na marami pa silang oras para matapos ang kanilang gawain.
Resulta rin ito ng kaibang pagtingin sa gawain na tinitingnan ng isang procrastinator ang bagay bilang nakababagot na gawin, o mahirap. Malaki ang tiyansa na ikaw ay mag-procrastinate kung ang iyong goals ay hindi nakabatay o nakasunod sa values. Ang iba naman ay mas gustong nagtatrabaho under time pressure dahil sa paniniwalang sila ay mas produktibo sa ganitong pagkakataon.
Ilan sa mga maaaring epekto ng procrastination ay ang pagtaas ng stress at health issues. Hindi lamang ito sa mga taong nagpo-procrastinate dahil mas inuuna ang gusto nilang gawin kundi maging sa tao na nagpo-procrastinate dahil sa tingin nila ay dito sila mas produktibo
Lingid sa ating kaalaman, ang procrastination ay nagdudulot ng pakiramdam ng guilt na magpapababa sa iyong self-esteem. Ito ay dahilan sa hindi magandang resulta ng iyong gawain at ang pagsisising hindi mo ito ginawa nang mas maaga.
Kadalasan ang resulta ng procrastination ay ang “crammed” o “rushed” na gawa at malaki ang tiyansa na mababa ang kalidad nito. At kung sa tingin mo ay hinahatak ka na ng procrastination sa masamang epekto nito, heto ang ilang tips para mapaglabanan ang malalang procrastination:
TIGILAN ANG PAG-IISIP NA ANG GAWAIN AY MAHIRAP O BORING
Ang pag-iisip na mahirap o boring ang gawain ay magiging dahilan kung bakit mas pipiliin mong unahin ang mga bagay na hindi naman mahalaga.
Kahit anong iwas o delay ang gawin mo ay kailangan mo pa ring gawin ito kaya sa halip na ipagpaliban ang gawain, sabihin sa sarili na, “Hindi man ito ang paborito kong trabaho, hindi kita tatakbuhan.”
MAGPOKUS SA IYONG MALAKING “B”
BAKIT? Mas naeengganyo tayong gawin ang mga bagay-bagay kung malinaw sa atin kung bakit natin ito ginagawa. Ito ang magiging motibasyon mo sa pagkilos, at pagpapatuloy ng gawain. Isaisip ang magiging resulta ng iyong kilos at pagnilayan kung ito ba ay makabubuti o hindi.
MAGSISI SA SIMULA PA LANG
Sabi ng matatanda, “Nasa huli ang pagsisisi.” Totoo ito lalo na sa mga taong nagpapaliban ng gawain. Maraming “sana pala”, “dapat pala”. Kaya mabuting gawin ay magsisi ka na sa una o simula pa lang, isipin din ang masamang resulta ng iyong aksiyon kung hindi ka kikilos nang maaga. Mabuti nang magsisi sa una o sa simula, kaysa sa huli.
ILATAG ANG IYONG ISKEDYUL
Maging partikular sa isusulat sa iyong iskedyul. Tandaang dapat ito ay realistiko na makakamit mo sa itinakda mong panahon upang maiwasan ang pagkadismasya na hindi ito magampanan.
Malaki ang task? Hati-hatiin ito.
Kung may monthly report na tatapusin sa trabaho, thesis sa eskuwela, planuhin kung paano paliliitin o hahatiin ang trabaho. Balansehing mabuti ang oras at panahon. Halimbawa sa paggawa ng report, unahin ang overview, isunod ang iba’t ibang chapters. Sa ganitong paraan ay hindi mo mara-ramdaman na napakalaki ng gawaing iyong tatapusin.
EXCUSES? ANO YUN?
Tigilan ang pag-iisip ng dahilan. Sa ganitong pagkakataon, siguradong nag-iisip ka ng mga bagay na sinasabi mong makakapag-inspire sa iyo para kumilos.
Siguradong mahuhulog ka sa procrastination. Hindi ito makatutulong kung gusto mong may mangyari o matapos.
PERFECTIONIST NO MORE
Isa sa dahilan kung bakit nagpo-procrastinate ang tao ay dahil isa siyang perfectionist na gusto na ang mga bagay ay magawa niya ng maayos at walang mali.
Umuubos ito ng oras dahil sa pag-iisip na dapat perpekto ang gawa at dahil ayaw mo ng pagkabigo.
Ipokus ang sarili sa task at sa resulta nito kaysa sa pag-iisip na kailangan nitong maging perpekto.
Mas mainam pa sa perpekto ang may nagawa kaysa sa pagperpekto nito sa iyong isip. Isagawa ang nakikita mo para sa iyong gawain.
AWARD! AWARD! REWARD!
Bigyan ng reward ang sarili matapos na mapagtagumpayan na hindi i-check ang FB feed, ang email o ang iyong Twitter.
Ang mga bagay na ito ang ginagamit nating tactics para hindi natin masimulan ang mas mahahalagang bagay na kailangang simulan. Mas makabubuti kung gagawin natin itong reward sa sarili lalo na kapag nagawa o natapos mo ang isang gawain. Natapos mo na ang iyong gawain, may bonus ka pa sa sarili.
Huwag nang hintayin ang pinakahuling minuto para gawin ang iyong trabaho kung ayaw mong bumaba ang kalidad nito at malugmok ang sarili sa, “Sana ginawa ko nang mas maaga.” Paalalang hanapin lagi ang dahilan ng iyong ginagawa upang mas matibay ang iyong pundasyon at motibasyon sa pagtapos nito. (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.