PARAAN UPANG MA-ENJOY ANG BUHAY

MAIKLI lamang ang buhay. Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo magtatagal sa mundo. Kaya imbes na magmukmok at ipinta ang lungkot sa mukha, ba­kit hindi natin piliin ang mag-enjoy? Bakit hindi tayo gumawa ng paraan upang masulit ang buhay natin sa kabila ng problemang kinahaharap ng marami sa atin.

Wala naman yatang tao ang walang problema. Mayaman man o mahirap, may kanya-kanyang alalahanin sa buhay.

Kung didibdibin natin ang problema, tayo lamang din ang mahihirapan. Kaya naman, narito ang ilang paraan upang ma-enjoy ang buhay sa kabila ng samu’t saring problemang dumidikit-dikit sa atin:

SUBUKANG MAGTUNGO SA IBA’T IBANG LUGAR

Isang paraan upang ma-enjoy ang buhay ay ang pagtungo sa iba’t ibang lugar. Napakagandang masulyapan ang pinagmamalaking tana­win ng ating bansa. Nakare-relax ang makakita ng magagandang bagay at lugar.

Kaya naman, habang bata pa at para na rin ma-enjoy ang buhay, magtungo o dayuhin ang iba’t ibang lugar—sa loob man o labas ng bansa. Kung wala namang budget, mag-ipon nga­yon pa lang nang sa susunod na mga panahon ay marating mo ang lugar na gusto mong puntahan.

Hindi naman luho ang magtungo sa iba’t ibang lugar sapagkat marami rin itong magandang benepisyong na­idudulot sa isang tao. Sa pamamagitan ng paglalakbay, natututo tayo ng maraming bagay at nadaragdagan ang ­ating kaalaman. Nakapagpapa-healthy rin ang pagtungo sa iba’t ibang lugar. Lumalawak din ang iyong network na magagamit mo sa iyong propesyon o trabaho.

LUMABAS KASAMA ANG KAIBIGAN AT PAMILYA

enjoyHuwag masyadong magmukmok sa loob ng bahay kapag wala sa opisina. Huwag ding masyadong isubsob ang sarili sa pagtatrabaho. Kumbaga, magkaroon ng buhay. Lumabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. Huwag ipagdamot sa sarili ang magsaya at magpahinga.

Oo marami sa atin na ayaw magsaya dahil kapag lumabas nga naman o nagtungo sa restaurant o bar, mapagagastos lang.

Paminsan-minsan, kailangan din nating i-treat ang ating sarili. Kailangan din nating biyayaan ang ating sarili lalo na kung may magandang nangyari sa buhay natin o sa trabaho.

SUMALI SA MGA ACTIVITY SA ESKUWELAHAN O OPISINA

Napakainam din ng pagsali sa iba’t ibang activities sa opisina o sa eskuwelahan. Masaya ang ganitong gawain. Bukod sa naipamamalas mo ang iyong kakayahan at ta­lento, magkakaroon ka pa ng maraming kaibigan.

NGUMITI AT GUMALAW-GALAW

Importante ang pag­ngiti  at paggalaw-galaw. Nakapagpapabata ang pagngiti. Samantalang  ang paggalaw-galaw naman ay nakapagpapalusog ng katawan.

TUMULONG NA WALANG HINIHINTAY NA KAPALIT

Iba-iba nga naman ang ugali at pananaw ng isang tao. May ilan na tumutulong ng bukal sa loob at walang hinihintay na kapalit. Samantalang ang ilan naman, tumutulong pero naghahangad ng mas magandang kapalit sa kabutihang ipinakita at ginawa nila.

Kung maghahangad lang din tayo ng kapalit sa gagawin nating pagtulong, huwag na lang tayong tumulong.

MATUTONG MAGPATAWAD

Mas magiging madali rin ang buhay at mas sasaya kung matututo kang magpatawad. Kung may nakagawa man ng pagkakamali sa iyo, patawarin mo nang wala kang mabigat na dalahin at para na rin makausad ka ng mas mabilis.

Mas masarap din sa pakiramdam ang nagpapatawad dahil walang bumabagabag sa iyong kalooban. Walang nagpapabigat.

MAGBASA. MAGLARO. MANOOD.

Napakaraming naidu­dulot na kagandahan sa isang tao ang pagbabasa. Nakapagpapangiti rin ito ng puso. Kaya para ma-enjoy ang buhay, kahiligan ang pagbabasa. Maraming babasahin sa merkado ang maaaring pagpilian na makapagdudulot ng ligaya sa iyo.

Matuto ring makipaglaro sa pamilya o mga kaibigan. Puwede kayong mag-board games o kaya maglaro sa computer. Nakapagpapaligaya sa kahit na sino ang paglalaro. Mas liligaya ka pa kung kasama mong maglaro ang iyong buong pamilya o maging ang mga kaibigan.

Bukod pa sa pagbabasa ng magagandang aklat at paglalaro kasama ang pamilya at kaibigan, napakainam ding gawin ang panonood ng sine o kinahihiligang palabas kasama ang pamilya at maging mga kaibigan. Masaya itong gawin kahit paminsan-minsan lang.

Maraming paraan upang lumigaya tayo sa buhay, sabihin mang kaliwa’t kanang problema ang kinahaharap ng marami sa atin. Huwag tayong masyadong padadala sa mga problema at pagsubok. Matuto rin tayong mag-enjoy. (photos mula sa google) CS SALUD

Comments are closed.