PARAAN UPANG MA-IMPROVE ANG SAVING STYLES

SAVINGS-2

NAPAKAIMPORTANTE ang matutunan ng kahit na sino ang pagtitipid at pag-iimpok. Hindi nga naman dumarating ng basta-basta ang pera. Hindi ito pinipitas o pinupulot sa tabi-tabi lang. Pinaghihirapan ito. Pinagpupuyatan. At kapag hindi mo pa na-handle ng mabuti o maayos, mawawala o mauubos na lang bigla-bigla.

Masarap nga namang isipin ang makapagsimulang mag-ipon o magkaroon ng ipon. Sino ba naman ang aayaw na magkaroon ng ipon sa bangko. Siyempre, kung may ipon ka nga naman, hindi ka kakaba-kabahan dahil may magagamit ka sa mga panahon ng pa­ngangailangan.

Pero dahil na rin sa malaki ang gastusin sa araw-araw, kung minsan, napupunta sa ibang bagay o pangangailangan ang sana ay iipunin ng maraming Filipino.

Kung pag-aaralan natin, mahirap makapag-ipon sa panahon ngayon na panay ang pagtaas ng mga bilihin ngunit ang kita naman ng bawat empleyadong Filipino ay hindi nagtataas. Talagang hihigpitan natin ng todo ang sinturon nang kahit na papaano ay mapagkasya natin ito sa pang-araw-araw nating pangangailangan.

Gayunpaman, sabihin man nating maliit lamang ang ating kinikita, napakahalaga pa rin ng pagkakaroon ng ipon. Kung mayroon ka nga namang ipon kahit pa sabihin mong maliit iyan ngunit regular mo namang nagagawa, lalaki at lalaki rin iyan kapag pinagsama-sama.

Mahirap mag-ipon sa ganitong panahon, pero kung gusto mo ay makagagawa ka ng pa­raan. Kaya naman, para ma-improve ang saving styles ng bawat emple­yado gayundin ang mga estudyante, narito ang ilan sa simpleng tips:

MAGKAROON NG BUDGET PLAN

SAVINGS-3Kahit nga naman sa anong bagay, importante ang pagpaplano. Malaki nga naman ang naitutulong ng pagpaplano, ha­limbawa na lang sa pagbabakasyon at sa mga gustong gawin sa buhay. Kung may plano, may magiging gabay sa mga kailangang gawin.

Isa rin sa mainam kahiligan ay ang pagpaplano ng budget o gastusin nang hindi kapusin o bili nang bili.

Kaya, pagkara­ting ng suweldo o pera, mag-budget na kaagad. Unahing paglaanan ang mga bagay na mahahalaga gaya na lamang ng pagkain, gayundin ang bills at maging ang pamasahe sa eskuwelahan o opisina.

Makatutulong ang pagkakaroon ng listahan ng mga kakailanganin at bibilhin.

Sa mga estudyante, gayundin ang gawin, kung ano ang kailangan ay iyon lamang ang bilhin. Hindi porke’t nakahihingi sa magulang ay magwawaldas na ng pera.

IWASAN ANG PAGBILI NG KUNG ANO-ANO

Kapag nagkapera tayo o dumating na ang suweldo o allowance galing sa magulang, ang dami-dami nating gustong gawin at bilhin.

Bago bumili o magdesisyon, pag-isipan na munang mabuti kung talaga nga bang kakailanganin mo ang isang bagay o ang iyong bibilhin.

Ang iba kasi sa atin, makita lang na maganda ang isang bagay o mapansin lang na mayroon nito ang kakilala, kaeskuwela o katrabaho, gusto na ring bumili.

Sa pagbili, importanteng malaman mo kung magagamit nga ba ito o mapakikinabangan. Sayang lang naman kung idi-display mo lang ang bibilhin mo o hindi naman talaga magagamit o mapakikinabangan.

MAGING MATALINO SA PAGGAMIT NG CREDIT CARD

SAVINGS-5May credit card ang ilan sa atin. Hindi lamang naman empleyado ang nagkakaroon ng credit card, gayundin ang mga estudyante. Kung minsan kasi, naka-extension ang mga anak sa credit card ng magulang.

Kadalasan kasi, lalo na kung gagamit tayo ng credit card at hindi cash, hindi natin natatantiya ang ginagastos natin. Swipe nga lang naman tayo ng swipe kaya’t minsan ay hindi natin namamalayang malaki na pala ang kailangan nating bayaran.

Okey naman ang gumamit ng credit card pero limitahan lang ang paggamit nito. Kumbaga, hindi puwedeng lahat ng magustuhan o maibigan, kukunin o bibilhin.

Maging matalino sa paggamit ng credit card kumbaga.

MAG-INVEST AT MAGTAYO NG MALIIT NA MAPAGKAKAKITAAN

Makatutulong din ang pag-i-invest nang kumita kahit na papaano. Mahirap nga naman kung puro palabas lang ang pera at walang papasok.

Kung puwede namang mag-invest, bakit hindi subukan.

Maaaring magtayo ng negosyo kahit na ma­liit lang.

Kung tutuusin, mahirap nga namang mag-ipon lalo na’t patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at ang kita naman ng bawat manggagawa ay hindi naman tumataas.

Gayunpaman, sabihin mang maliit ang kinikita ng kahit na sino, importante pa rin ang nakapagtitipid at nakapag-iipon nang sa panahong kailangang-kailangan mo, may mahuhugot ka o magagamit.  CS SALUD

Comments are closed.