PARAAN UPANG MAGING BUSY ANG MGA BATA

UPANG MAGING BUSY

(ni CT SARIGUMBA)

SA PANAHON ngayon ay napakahilig na ng mga batang gumamit ng gadget. Walang oras at edad ang nahuhumaling sa panonood ng video at paglalaro sa cellphone, computer o tablet.

Kunsabagay, hindi rin naman tamang pagbawalan natin silang gumamit ng gadget. Kumbaga, ito ang panahon nila at kung pipigilan natin ang ating mga anak, baka naman mapag-iwanan sila ng panahon.

Ngunit hindi porke’t ang panahon nila ay umiikot sa gadget ay hahayaan na lamang natin silang mahumaling dito, o maadik. Kailangang may gawin din tayo. Dapat ay mabalanse rin ang mga bagay-bagay—ang paggamit ng gadet at kung ano-ano pa.

May ilang mga magulang na tila ginagawa nilang tagabantay ng kanilang anak ang gadget. Para hindi nga naman mangulit. Kadalasan ay hinahayaan na­ting guma­mit ng gadget ang ating mga anak—manood ng video o kaya naman ang maglaro sa online.

Kung minsan nga naman ay nakatutulong sa atin upang matapos ang ating mga gawain ang pagpapagamit o ang hayaan ang mga anak na gumamit ng gadget. Bukod sa nagkakaroon tayo ng pagkakataong magampanan ang lahat ng mga obligasyon natin nang walang nangungulit na anak, nag-e-enjoy at nagiging busy rin sila.

Ngunit nakasasama ang madalas o walang sawang paggamit ng gadget. Hindi lamang sa mga bata gayundin sa marami sa atin. Kumbaga, sa lahat.

Ilan sa masamang epekto ng labis o sob­rang paggamit ng gadget ay hirap sa pagtulog. Ang blue light mula sa gadget ay nagiging sanhi ng pagbagal ng produksiyon ng sleep hormone.

Kapag nawili rin sa kagagamit ng gadget, kung minsan ay hindi na natin napapansin na nakukuba na pala tayo o hindi na maayos ang ­ating pag-upo at pagtayo. Kaya’t apektado nito ang ating tindig o posture.

Nagiging dahilan din ng katamaran ang madalas o walang sawang paggamit ng gadget. Sa kagagamit nga naman ng gadget, tinatamad na tayong lumabas ng bahay. Kumbaga, dahil sa gadgets, nababawasan ang physical activity ng isang tao.

At ang panghuli, ang computer vision syndrome. Ang pagkapagod ng mga mata ay tinatawag na computer vision syndrome. Dulot ito ng matagal na pagtutok sa gadgets na maaaring maging dahilan ng pa­ngangati at panlalabo.

Kaya naman, hindi lamang ang paggamit ng computer, cellphone o laptop ang maaaring gawin ng mga bata para maging busy sila. Dahil narito ang ilang simpleng tips o bagay na maaari nilang subukan:

PATULUNGIN SA MGA GAWAING BAHAY

May mga maliliit na bagay na puwede nating ipagawa sa ating mga anak. Halimbawa na lang ay ang pag-aayos o pagliligpit ng kanyang laruan. O hindi kaya ay ang pagtuturo sa kanyang magwalis at magpunas ng lamesa. O kaya ang mag-vacuum.

Swak din ang pagpapatulong sa mga bata sa pagluluto. Bukod sa matutuwa na siya ay maeengganyo pa itong kumain ng marami lalo pa’t kasama si-yang ­nagluto o naghanda ng pagkain.

Magandang paraan din ang pagpapatulong sa mga bata sa gawain sa bahay na maliliit o simple lang upang matuto sila.

PAGLARUIN SA LABAS NG BAGAY

Dahil rin sa gadget, marami sa atin—hindi lang bata gayundin ang mga may edad na ayaw nang lumabas ng bahay at gusto na lang magkulong sa kuwarto para maglaro sa computer.

Habang bata pa ay dapat na iparanas natin sa ating mga anak ang saya ng paglalaro sa labas. Pakikipaghabulan sa mga kaibigan o kapitbahay.

Kaya’t huwag lang cellphone o gadget ang ituro natin sa ating mga anak kundi maging ang paglalaro sa labas ng bahay.

Magkakaroon din sila ng maraming kaibigan at masasanay na makihalubilo sa tao o kap­wa kung lumalabas sila ng bahay.

Maaari mo silang dalhin sa park ng subdibisyon ninyo. Swak din ang paglalakad-lakad kasama ang anak.

PAKIKINIG NG AUDIO BOOK O PAGBABASA NG LIBRO

Malaki nga naman ang tulong ng teknolohiya sa atin. Hindi nga naman maitatangging pinagagaan nito ang ating mga gawain, gayundin ang mga hilig o gusto natin.

At dahil uso na rin ang audio book, puwedeng-puwede itong kahiligan ng iyong mga anak. Kung hindi pa nga naman sila gaanong nakababasa, ma-gandang option ang audio book.  Maraming klase ng stories ang puwede nilang pakinggan.

Kung marunong na naman silang magbasa, bigyan ng libro at turuang magbasa. Napaka­rami ring benepisyo ang pagbabasa kaya’t bata pa lang ay ituro na natin ito sa mga bata.

SCAVENGER HUNT O TREASURE HUNT

Isa pa sa nakatutuwang gawin kahit na sa loob lang ng bahay ay ang scavenger hunt o treasure hunt. Isa rin ang mga nabanggit na activity sa kinahi-hiligang gawin ng anak ko.

Para rin maging motivated ang anak sa paghahanap ng mga bagay-bagay, bigyan sila ng reward pagkatapos. Hindi naman kailangang mahal ang re-ward, kahit simpleng candy lang o chocolate. basta’t mayroon kang ibinigay.

PAGLALARO NG PUZZLE O WORD GAMES

Swak din ang paglalaro ng puzzle o word games upang maging busy ang mga bata at mag-enjoy sila. Nadaragdagan din ang kanilang kaalaman. Nabibigyan din sila ng pagkakataong mag-isip.

Hindi lamang gadget ang puwedeng magamit o maaaring kahiligan ng mga bata upang maging busy sila. Maraming-ma­rami pa. Gaya na nga lang ng mga ibinahagi namin sa inyo. (photos mula sa readingpl.org, ireland-calling.com, kids.lovetoknow.com at avivahwerner.com)

Comments are closed.