May gaganda pa ba sa bayan kong Pilipinas?
Mayro’ng karagatang puno ng perlas
Ang simoy ng hangin ay maaliwalas
Ang puso ng tao ay tapat at wagas
SA Barangay Caliclic, Babak District – Samal Island, Davao City, Philippines, matatagpuan ang isang luar na kung tawagi’y Paradise Island Park & Beach Resort. Pag-aari ng Lucas-Rodriguez family, tunay na paraisong maituturing ang lugar na ito.
Matagal nang pinagdarayo ang Samal Island dahil sa taglay niyang kagandahan. Maputing buhangin, malinis at malinaw na tubig-alat, dive spots, coral gardens, mga kuweba, ang makapigil-hiningang Hagimit Falls, mga berdeng bundok, ang Guinness Book of World record holder for the biggest concentration of fruit bats – ang Monfort Bat Caves at pagiging tahanan ng libo-libong higanteng clams (Taclobo), ano pa ang hihilingin ng isang turista?
Tinawag itong Samal mula sa tribong Sama na dating naninirahan sa nasabing isla, at ang barangay nito ay tinawag na Peñaplata mula naman sa dayalektong Sama na “Malibasa” na ang ibig sabihin ay lugar kung saan naninirahan ang mararangal na taong nagmamahal sa kapayapaan at pagkakaisa.
Sa kabuuan naman, ang Davao ay nasa southeastern corner ng Pilipinas. Davao City ang pinakamalaking siyuda sa bansa (244,000 hectares), at kinikilalang Orchid Capital of the Philippines. Sikat din ito sa durian, marang, mangosteen, suha at iba pang masasarap na tropical fruit, ngunit higit pa roon ay ang Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa.
Isang aktibong bulkan ang Mount Apo na matatagpuan sa south central Mindanao, 32 kilometro sa kanlurang bahagi ng Davao City. Ito ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas na tumatayong 9,692 talampakan (2,954 metro). Sinasabi ring kung itataob ang Mt. Apo sa Philippine Deep ay magiging patag ang nasabing karagatan.
Ang Philippine Deep ang pinakamalalim na bahagi ng karagatan sa Pilipinas. Tinatawag din itong Emden Deep na umaabot ang lalim sa 10,540 metro (34,580 ft o 5,760 fathoms).
Samal Island sa Davao del Sur ay isa lamang sa pinakamagagandang lugar sa Mindanao na kapag nakita mo ay ayaw mo nang iwan. Mula sa napakagagandang dalampasigan at mayamang biodiversity hanggang sa mga aktibidades na pwede mong gawin – isa itong karanasang hinding hindi mo malilimutan.
May gaganda pa ba sa Pilipinas?
Sa napakaraming bansang aking narating, sa sinasabi nilang mga bansang walang katulad, Pilipinas pa rin ang aking hinahanap. Pilipinas, kung saan hindi ako second class citizen. Sa bansa kong iginagalang ang kababaihan at nakatatanda, nagmamano ang mga bata, at hinihingi ang kamay ng mga nililiyag. Halina kayo sa Pilipinas. NLVN