PARAK ISINUNOD SA PINASLANG NA MISIS

PATAY at may tama ng punglo sa ulo nang matagpuan ang isang tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 5 na umuwi lamang mula sa burol ng kanyang misis na pinatay din ng mga hindi pa nakikilalang salarin tatlong araw lamang ang nakalilipas.

Sa impormasyong ibinahagi ni Lt. Col Malou Calubaquib, taga pagsalita ng PNP-PRO5 natagpuang ang duguang bangkay ni Police Officer Samuel Baruelo Jr, 31-anyos, bandang ala-1:30 kamakalawa ng hapon na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Barangay Buenasuerte matapos na magpaalam na uuwi lang sandali para maligo.

Sa galit ay mahigpit na ipinag utos ni Brigadier General Andre Perez Dizon, Bicol regional police director na alamin ang kakikilanlan ng mga suspek na pumatay sa mag-asawa at tugisin ang mga ito.

Lumitaw sa paunang imbestigasyon na umalis ng bahay na pinagburulan ng kanyang asawa ang biktima para sana maligo ngunit hindi na ito nakabalik sa lamay.

Sa paghahanap ay natagpuan ng mga kamag-anak ang duguang katawan ng pulis sa creek.

Nabatid na Lunes, Marso 4, ay binaril ang asawa ng pulis na si Cheryl sa Barangay Bagumbayan sa Masbate City.

Naglalakad umano pauwi ng bahay ang ginang nang lapitan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga gunman at saka pinaputukan nang malapitan sa ulo.

Narekober ng pulisya ang basyo ng bala at isang slug sa lugar.

Si Baruelo ay kasalukuyang nakatalaga sa 1st Masbate Provincial Mobile Force Company.

Ayon kay Col Calubaquib, inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay at kung magkarugtong ang dalawang insidente. VERLIN RUIZ