PARAK TIGBAK SA MGA KAWATAN

patay shootout

PATAY ang isang tauhan ng Philippine National Police sa isinagawang follow-up operation laban sa isang grupo ng holdaper na katatapos lamang mambiktima sa lalawigan ng Isabela.

Nasawi sa shootout si P/Staff Sgt Richard Guamarang, subalit natangay nito ang isa sa mga nakabarilang suspek na agad ding nasawi sa encounter site sa bayan ng Ramon ng nasabing lalawigan.

Nabatid na nagawa pang maitakbo sa pagamutan si Guamarang subalit agad ding nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Bukod sa napatay na suspek ay nadakip din ang dalawang kasamahan nito habang target ng manhunt operation ang isa pa na nagawang makatakas sa kasagsagan ng palitan ng putok.

Sa ulat na natangap ni Police Brig. Gen. Jose Mario Espino, direktor ng Police Regional Office-Cagayan Valley, katatapos lamang holdapin ng 4 na lalaki ang empleyado ng isang construction firm sa Tuguegarao nitong Biyernes.

Binasag umano ng  mga suspek ang sasakyan ng biktima para makuha ang bag nito na naglalaman ng P10,000, cellphone at iba pang gamit.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng pulang AUV subalit natunton sila sa follow-up operation sa Barangay San Miguel, Ramon nang magpalabas sila ng alarma sa mga kalapit barangay.

Narekober sa mga suspek ang isang M16 rifle at getaway vehicle. VERLIN RUIZ

Comments are closed.