PARAÑAQUE 3 LINGGONG WALANG TUBIG

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na pitong barangay sa lungsod ang maaapektuhan ng pagkawala ng tubig nang mahigit tatlong linggo mula ngayong Enero 20 hanggang Pebrero 15.

Sa advisory na inilabas ng Maynilad, ang mga apektadong barangay sa lungsod na mawawalan ng suplay ng tubig ay ang mga Barangay Don Bosco, Marcelo Green, Merville, Moonwalk, San Antonio, San Isidro at Barangay BF Homes.

Ang mga nabanggit na barangay ay mawawalan ng suplay ng tubig sa mga nabanggit na petsa mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga maliban lamang sa Barangay BF Homes na may mahabang iskedyul ng pagkawala ng suplay ng tubig magmula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 naman ng gabi.

Ipinaliwanag ng Maynilad sa Paranaque Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na dahil sa paglabo ng tubig na galing sa Laguna Lake ay napilitan silang magbawas ng produksyon ng tubig sa kanilang treatment plant facility.

Ito ang dahilan kung bakit makararanas ang mga residente ng lungsod sa mga nabanggit na lugar ng mula sa mahinang pressure hanggang sa pagkawala ng tulo ng tubig sa gripo ng kani-kanilang mga bahay sa mga nabanggit na petsa.

Hinimok din ng Maynilad ng mga residente na pansamantala na munang mag-ipon ng tubig para sa kanilang pang araw-araw na konsumo at humihingi na rin ng dispensa ang naturang water concessionaire sa abalang mararanasan ng mga residenteng apektado sa lungsod. MARIVIC
FERNANDEZ