KUMILOS na ang pamahalaang lokal ng Parañaque at Las Piñas sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang mga kalsada.
Kaya’t binalaan ni Las Piñas City Mayor Imelda T. Aguilar ang 20 kapitan ng barangay na kanyang papatawan ng kaukulang parusa ang mga hindi mapapanatiling malinis ang kanilang mga barangay partikular ang mga ilegal na istruktura at mga nakahambalang sa kalsada.
Sa ginanap na pulong na pinamunuan ni Mayor Aguilar at ni Vice Mayor April Aguilar sa mga opisyales ng barangay sa dalawang distrito ng siyudad, inilatag ni Aguilar ang mga plano ng lokal na pamahalaan ang paglilinis ng mga kalsada at bangketa ng ilegal na vendors, ilegal na pagparada ng mga sasakyan, mga istrukturang lampas sa bangketa gayundin ang mga hindi pa natatapos na paghuhukay ng iba’t ibang sektor na nagbibigay ng serbisyo sa tao.
Gayunpaman, bago ang direktiba, ang Department of the Interior and Local Government (DILG), nauna nang binuo ni Aguilar ang ‘Task Force Kaayusan’ na siyang nagsagawa ng clearing operations sa siyudad na may kaugnayan sa batas trapiko at peligro sa kalsada.
Ang naturang task force ay binubuo ng Estate Management and Development Office (EMDO), City Engineering Office, Las Piñas City police at ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ng Mayor’s Office.
Isa namang palengke na tatawaging ‘People’s Market’ ang nais na itayo ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez para sa 2,000 vendors na naapektuhan sa paglilinis ng kalsada.
Ang nasabing puwesto ay itatayo sa mga ‘cement slab’ na ipapatong sa ibabaw ng kanal na may sukat na 60X300 metro ang haba sa service road ng Roxas Boulevard na inaprubahan na ng Metro Manila Council (MMC).
Bukod dito, sinabi ni Olivarez na maglalagay rin ng loading and unloading zone, overhead pedestrian crossing pati na ang parking lot para sa mga mamimili kung saan itatayo ang naturang palengke na nakatakdang tapusin ng lokal na pamahalaan bago matapos ang kasalukuyang taon.
Kasabay nito, pinakiusapan din nito ang mga establisimiyento kung saan itatayo ang planong pagtatayo ng naturang palengke na maglaan ng kaunting espasyo para sa mga street vendor na naapektuhan ng paglilinis ng mga kalsada.
Inatasan din ni Olivarez ang mga opisyales ng Barangay Baclaran na panatilihin ang kalinisan sa kanilang lugar na nasasakupan at bantayang maigi ang mga kalsada upang mapanatili ang kaayusan dito at pigilan ang pagbabalik ng illegal vendors sa lugar ng Baclaran.
Sa panig naman ng mga vendors na apektado ng direktiba ni Duterte, kanilang pinasalamantan si Olivarez sa ginawang hakbang ng kanilang alkalde upang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.