NANINDIGAN ang pamahalaan ng Parañaque na hindi sila magdedeklara ng kahit ano mang klase ng lockdown sa kabila ng kumpirmasyon ng Department of Health (DoH) na isang barangay sa lungsod ay isa sa may mga naitalang pinakamaraming nagpositibo sa kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa buong Metro Manila.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, sinabi ng alkalde na hindi solusyon sa kasalukuyang nararanasang COVID-19 pandemic ang paglalagay sa total o hard lockdown ng isang barangay sa lungsod kung ang pasyente nito ay nananatililamang sa isang lugar o dili kaya ay nailipat na sa isolation facility.
Paliwanag ng alkalde, kung kanilang gagawin ang pagsasailalim sa hard lockdown sa Barangay San Atonio sa natitirang 10 araw ng pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) ay makakapulaan lamang sila mismo ng mga residente sa naturang barangay.
SA huling datos ng Parañaque City Health Office (CHO) ay nakapagtala na ang lungsod 502 kaso na nagpositibo sa COVID-19 habang 35 sa bilang na ito ang pumanaw na samantalang 83 pasyente na nagkasakit nito ang pinalabas na sa mga ospital kung saan sila nai-confine at 98 pasyente naman ang naka-recover.
Ang bilang ng may kasong suspect ay 655 kung saan 332 dito ay nai-clear na habang ang probable na kaso na umabot sa 917 pasyente ay may nai-clear naman na 418.
Kamakailan lamang ay natapos ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng mass rapid testing sa 3,321 indibidwal kung saan 95 porsiyento nito ay nagnegatibo sa testing ng COVID-19.
Inamin din ni Olivarez na 40 sa kanilang mga health providers ang nagpositibo sa naturang virus na agad na dumaan sa confirmatory test at kasalukuyang hinihintay ang resulta ng kani-kanilang confirmatory test. MARIVIC FERNANDEZ