MAKARAANG bigyan ng papuri ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) bilang “model city” ang Parañaque dahil sa maayos na pagtugon sa COVID-19 pandemic, hiniling ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsasanay sa disiplina upang makatulong sa pakikipaglaban sa pagkalat ng nasabing sakit.
Mismong si IATF-EID Chief Implementer Secretary Carlito Galvez ang nagsabing isang “model city” ang Parañaque dahil sa mga estratehiyang hakbang na isinasagawa laban sa COVID-19 sa ginanap na pagpupulong noong Huwebes (Agosto 6) matapos nitong ipakilala ang round-the -clock One Hospital Command Center na siyang solusyon na tutugon sa healthcare system sa Metro Manila sa gitna ng pandemya.
Bukod kay Galvez, ang naturang pagpupulong ay dinaluhan ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, Interior and Local Government Undersecretary Ricojudge Echeverri at DOH research division chief Dr. Beverly Lorraine Ho.
Tinukoy ni Galvez, ang pagkonsidera sa Parañaque bilang model city ay dahil sa nagkakaisang pagsisikap at systematic workflow na tiyak na magtatagumpay laban sa pandemyang kinakaharap.
“Ang stratehiya ay talagang gumagana at kanilang iniimplementa ito sa lebel ng barangay. Alam nila kung saan tatahakin ang problema,” ani Galvez.
Ayon naman kay Parañaque City Health Office (CHO) Chief Dr. Olga Virtusio, ang susi sa matagumpay na pakikipaglaban sa COVID-19 ay ang suportang ibinibigay ng lahat ng lokal na opisyal, mga aktibong barangay, health workers gayundin ang pagkakaroon ng maayos na isolation facilities.
Sa huling rekord ng CHO, ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay nasa 2,896 na kung saan 724 sa mga ito ay may aktibong kaso at 2,084 na ang gumaling o katumbas ng 72 porsiyento na may pinakamataas na datos kumpara sa mga siyudad sa Metro Manila. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.