MAGSISILBI nang inspirasyon sa mga lider ng lokal na pamahalaan ang mga natatanggap na parangal upang mas pag-igihin pa nila ang pagsisilbi sa bayan, partikular sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kaugnay ito ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa kahapon sa pagtatatag ng Seal of Good Local Governance o SGLG—isang programa ng Department of Interior and Local Government (DILG) na isinulong ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Local Government, katuwang si Sen. Sherwin Gatchalian.
Layunin ng panukala na kilalanin at parangalan ang mga pamahalaang lokal na kapuri-puri ang serbisyo sa mamamayan.
Ang SGLG na itinulak ni Angara sa ilalim ng Senate Bill 1843, ay bunga ng dalawang malalaking programa ng yumaong DILG Secretary Jesse Robredo: ang Seal of Good Housekeeping (SGH) at ang Performance Challenge Fund (PCF). Ang mga ito ay itinatag ng dating kalihim upang mapanatili ang maayos na paninilbihan ng mga lokal na opisyal sa kanilang bayan.
Sa mga programang ito, lahat ng LGU na makapagtatala ng pinakatangi-tanging pangangasiwa sa estadong pinansiyal ng kanyang lokalidad base sa panuntunan ng Commission on Audit, kasabay ng pinakakahanga-hangang serbisyo sa kani-kanilang constituents ay pagkakalooban ng performance-based grant na maaari nilang magamit na pondo sa kanilang local development projects.
Ang isang SGH municipal recipient ay pagkakalooban ng P1 milyon, P3 milyon naman para sa isang city SGH at P7 milyon para sa mga probinsya mula sa PCF kaugnay ng mga lokal na proyektong aprubado ng DILG. VICKY CERVALES
Comments are closed.