PARAS PASOK SA JAPAN B.LEAGUE

SI KOBE Paras ang ika-7 Pinoy na maglalaro sa Japan B.League sa ilalim ng Asian Player Quota.

Inanunsiyo ng B.League club Niigata Albirex BB nitong Linggo sa social media ang pagpirma ni Paras para sa 2021-2022 season.

Ang 6-foot-6 forward na si Paras ay naglaro para sa University of the Philippines Fighting Maroons sa UAAP, nakapasok sa Mythical Five sa Season 82 makaraang mag-average ng 17.4 points at 5.7 rebounds. Naging bahagi rin siya ng  Gilas Pilipinas national team.

“I am very grateful to have this opportunity to be a part of such a great organization and basketball league,” wika ni Paras sa official website ng koponan.

“I look forward to playing in the role that coach Hiraoka has envisioned for me and showcasing the love I have for this game on a professional level in front of the great Niigata boosters.”

Ang Niigata Albirex BB ay naglalaro sa  B1, ang first division ng Japanese league, at tumapos na may 16-38 record noong nakaraang season. Kabilang sila sa ilang B.League teams na tatampukan ng Filipino players sa darating na season.

Ang iba pang Pinoy sa liga ay si Thirdy Ravena, na nasa ikalawang tour of duty sa San-En NeoPhoenix, at ang kapatid nitong si Kiefer na maglalaro para sa  Shiga Lakestars ng isang season bago bumalik para tuparin ang kanyang pangako sa NLEX Road Warriors sa PBA.

Nasa B.League din ngayong season ang UP teammates ni Paras na sina Juan at Javi Gomez de Liaño. Si Javi ay maglalaro para sa Ibaraki Robots habang si Juan ay nasa Earth Friends Tokyo Z sa second division, B2.

Nasa B2 rin si Kemark Carino, sa koponan ng Aomori Wat’s habang si Bobby Ray Parks, Jr. ay maglalaro para sa Nagoya Diamond Dolphins sa first division.

7 thoughts on “PARAS PASOK SA JAPAN B.LEAGUE”

Comments are closed.