PASAY CITY – NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang parcel ng mga baril at bala na itinago ng may-ari sa loob ng “solar panel at tool cart” na dadalhin sana papuntang Taiwan.
Ayon kay Customs NAIA district collector Mimel Talusan ang nasabing mga baril ay walong (8) pistol firearms na kinabibilangan ng Glock 19-9MM; Heckler & Koch P2000 V3 Pistol), 20 ammunition magazines at 266 live ammunition na nagkakahalaga ng P500,000.
Nadiskubre ito ng kanyang mga tauhan sa isang warehouse sa Pasay City noong Miyerkoles ng hapon sa pamamagitan ng tinatawag nilang “profiling skills” at sa tulong ng BOC NAIA xray examination group na naka-destino sa loob ng naturang bodega.
Sinabi ni Talusan, hindi nila papayagang mailabas ng bansa ang naturang mga baril at bala sapagkat walang maipakitang supporting documents galing sa Philippine National Police Firearms at Explosive Unit na magpapatunay na legal ang kanilang kargamento.
Dagdag pa nito na ang exportation of firearms and ammunition ay fraudulent misdeclaration and without necessary permits at paglabag sa Section 119A, 1400, 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at ng Republic Act 10591 or Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ngayon hindi muna binanggit ang pangalan ng exporter ng BOC habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pagkakilanlan ng may-ari at mga kasabwat nito. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.