NAGLABAS ng warning kahapon sa publiko ang Aduana hinggil sa modus operandi ng isinasagawa lalo na ngayong yuletide season kung saan malimit ang pagpapadala ng mga regalo or parcel mula sa iba’t ibang lugar.
Babala ng Bureau of Customs (BOC) sa publiko na maging maingat at mapagmatyag sa modus na “parcel scam” ngayong holiday season.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio,huwag agad maniwala ang publiko sa tawag, mensahe o email na nagsasabing may naka-hold silang package o parcel na dapat na mailabas.
Kadalasan umano ay mga nagpapakilalang tauhan sila ng BOC o foreigner at maniningil sa pamamagitan ng personal bank account o money remittance para mailabas ang kanilang nakabinbin na padala.
Nilinaw ni Rubio na ang pagbabayad ng customs duties at taxes sa Aduana ay maaari lamang gawin direkta sa kanilang mga cashier o sa pamamagitan ng Authorized Agent Banks.
At upang makasiguro, ipinayo ng BOC na maaaring mag-check muna sa website ng Department of Trade and Industry kung ang nasabing courier o forwarder na ginamit ay accredited ng komisyon.
Maari rin umanong makipag-ugnayan sa BOC para tiyakin kung ang resibo, tracking number at iba pang dokumento na natanggap ay tunay.
Payo pa ng Aduana , maaaring magsumbong sa BOC o Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group ang mga naging biktima o bibiktimahin ng sindikato na nasa likod ng “Parcel Scam” .
Una nang naglabas ng tinatawag na “12 scams of Christmas” ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng Department of Information and Communications Technology.
Kabilang dito ang parcel o packages notification scam at ang talamak na online scams kung saaan nangunguna ang Pilipinas sa ilang bansa.
Kabilang sa “12 Scams of Christmas,” ang fake shipping and delivery notifications, fake online charity solicitations, fake shopping websites, fake online sellers, bogus “free trial” on goods and services, fake electronic “Christmas gift card”, Tech support claims supposedly made by banks but are actually click baits., “Crypto” investment offers but are non-existing or non-registered entities, fake relative/friend scams, “Love” or dating scams , Foreign exchange investment offers at Fake “loan” offers , mga kaso na dumadami habang papalapit ang Kapaskuhan.
VERLIN RUIZ