QATAR – HINANDUGAN ng Emir ng Qatar ng Royal pardon ang 25 overseas Filipino workers na nakakulong dahil sa iba’t ibang kaso kasabay ng pagdiriwang ng holy month ng Ramadan, ayon sa ulat ni Labor Secretary Silvestre Bello III noong Linggo.
Ipinahayag ni Bello ang pasasalamat ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Qatar Emir Sheikh Tamim Bin Hammad Al Thani dahil sa ipinakita nitong awa sa mga OFW.
“Ang kabaitang ipinakita ng Emir ay isang testamento ng ating malakas na ugnayan sa kanilang bansa. Kami at lubos na nagpapasalamat,” wika ni Bello.
Ang mga manggagawang nabigyan ng pardon ay pauuwiin at bibigyan ng tulong ng pamahalaan, ayon pa kay Bello.
Nakiisa si Bello sa isang pagtitipon na dinaluhan ng 4,000 Filipinong migranteng manggagawa sa Doha bilang paggunita sa Philippine Independence Day na pinangunahan ng Embahada ng Filipinas.
Ang pagtitipon ay kasabay rin ng pagdiriwang ng Ed’l Fitr na dinaluhan ni Dr. Essa Bin Saad Al Jafali Al Nuaimi mula sa Qatar minister of Administrative Development, Labor and Social Affairs at iba pang opisyal ng Qatar.
“Nakikiisa ako sa mga migranteng manggagawa sa pagpapa-abot ng pasasalamat sa kabutihang loob ni His Excellency Minister Nuaimi na nag-co-host ng pagtitipong ito,” ayon pa kay Bello.
Nabatid na karamihan sa mga manggagawang nabigyan ng pardon ay nakasuhan dahil sa mga talbog na tseke, at mga kasong may kaugnayan sa droga at adultery. Ilang buwan na ring nakakulong ang mga OFW sa nasabing bansa. PAUL ROLDAN
Comments are closed.