ORIENTAL MINDORO-NAHULOG sa ilog ang isang pari at dalawampu pang kasama nito nang bumigay ang isang hanging bridge sa Sitio Tabuk, Barangay Poblacion, Bulalacao sa lalawigang ito habang tumatawid kahapon ng umaga.
Sa ulat na ibinahagi ni Bulalacao Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Milet Osorio, naganap ang insidente bandang alas-9 ng umaga.
Lumitaw sa pagsisiyasat na tumatawid sa tulay ang parish priest ng bayan at 20 ibang taong patungo sa Sitio Tabuk para magdaos na misa kaugnay sa pagdiriwang ng kanilang town fiesta.
Sinasabing habang binabagtas ang hanging bridge ay biglang naputol ang kable sa kabilang gilid ng tulay kaya tumagilid ito.
Dahilan para mahulog ang mga taong naglalakad maliban duon sa mga nakapaglambitin sa tulay.
Mabilis naman nailigtas ang mga nahulog sa tulay kabilang ang ilang bata.
Sinasabing may kalumaan na ang hanging bridge na posibleng dahilan kung bakit naputol ang kableng sumusuporta rito.
Nabatid na nasira na rin ito noong taong 2019 nang manalasa ang bagyong Ursula subalit hindi kaagad sumailalim sa rehabilitasyon. VERLIN RUIZ