PARING PINOY NA NAGKA-COVID-19 SA NYC NAKAREKOBER NA

Jun Villanueva

MATAPOS ang may dalawang linggong pakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), nakarekober na mula sa karamdaman ang isang paring Pinoy na tinamaan ng virus sa New York City.

Sa ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ni Fr. Jun Villanueva ng Diocese of Balanga, na Abril 13 nang kumpirmahin sa kanya ng mga doktor na magaling na magaling na siya mula sa karamdaman.

“I am feeling so much better now… everything feels normal again,” aniya pa.

Nabatid na Marso 25 ay nagpasya siyang mag-self quarantine nang magsimula siyang makaramdam ng mga sintomas ng sakit, gaya ng lagnat, pagbabahing, pananakit ng lalamunan, walang ganang kumain at hirap sa paghinga.

Nagtungo rin sya ng pagamutan upang magpasailalim sa COVID tests at matapos ang apat na araw ay nakumpirmang positibo siya sa virus.

Aminado si Villanueva na nakaramdam siya ng takot ngunit nagpakatatag at patuloy na nananalangin ng kanyang kagalingan.

“I was literally and emotionally alone but I took all the moments to be with God,” aniya.

Matapos ang 10 araw ay nawala na umano ang lagnat niya at bumalik ang gana sa pagkain.

Mabuti na rin lamang aniya at wala naman siyang anumang iba pang problema sa kalusugan kaya’t naging mabilis ang kanyang paggaling

Nabatid na si Fr. Villanueva, na dating nakatalaga sa parokya ng Morong sa Bataan, ay dumating lamang sa New York noong Marso 6 para sa limang taong assignment sa St. Peter – Our Lady of the Rosary Parish, na malapit sa World Trade Center.

Ang New York City, ang siyang epicenter ng COVID-19 outbreak sa US, ay tinagurian na ring coronavirus capital, matapos na makapagtala ng mas maraming kaso ng sakit kumpara sa alinmang bansa sa buong mundo.

Hanggang nitong Linggo, nasa 282,143 na ang confirmed COVID cases sa New York, at 17,000 sa kanila ang binawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.