PARIS OLYMPICS: PH BOXERS KAKASA

MAGIGING mainit ang pagsalubong kay Hergie Bacyadan sa kanyang Olympic debut.

Makakasagupa ng one-time world vovinam champion mismong si top seed Li Qian ng China sa kanyang unang laban sa pinakamabigat na weight category sa women’s division sa 75 kg matapos ang competition draw na idinaos noong Huwebes bago opisyal na magbukas ang Paris Olympics pagkalipas ng 24 oras.

Si Li, 34, ay silver medalist sa Tokyo Olympics, at gold medal winner sa 2018 AIBA Women’s World Championships, 2017 Asian Women’s Championships, at 2023 Hangzhou Asian Games bilang middleweight.

Magsasagupa sina Bacyadan at Li sa round-of-16 sa July 31, kung saan ang major upset ay magdadala sa Pinay sa quarterfinals at isang panalo na lamang mula sa podium finish.

Samantala, sina medal hopefuls Carlo Paalam at Eumir Marcial ay nakakuha ng byes sa kani-kanilang weight divisions habang sasalang sina silver medalist Nesthy Petecio at debutant Aira Villegas sa hiwalay na round-of-32 matches upang simulan ang kanilang kampanya.

Bagama’t maagang masusubukan si Bacyadan, nananatiling positibo si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo sa kampanya ng five-man national boxing team.

“There is no such thing as a ‘good draw’ at the Olympics. Everyone went through the rigorous qualifying tournaments, and these are the best in the world with their big dreams on the line,” sabi ni Manalo.

Si Villegas, 28, ay sasalang sa women’s 50 kg class sa Arena Paris Nord sa July 28.

Nasa kanyang debut sa Summer Games, si Villegas ay mapapalaban kay Yasmine Mouttaki ng Morocco, bronze medal winner sa minimumweight sa AIBA Women’s World Championship noong 2023 na idinaos sa New Delhi, sa round of 32 clash.

Pagkalipas ng dalawang araw, aakyat sina Petecio at Marcial sa ring kung saan sisikapin nila ang kanilang podium finishes sa 2020 Tokyo Olympics.

Makakaharap ni Petecio, runner-up sa Tokyo Olympics, si Jasmie Lamboria ng India sa round-of-32 sa women’s 57kg division. Ang 22-year-old Indian ay may taas na 5-foot-9, at ang lolo na si Hawa Singh ay isang two-time Asian Games gold medalists.

Si Petecio ay hindi seeded sa kanyang division kung saan si Lin Yu-ting ng Chinese Taipei ay ranked no. 1.

Ginulantang ng Pinay si Lin sa preliminaries ng Tokyo Games, 3-2, upang umabante sa quarterfinals.

Mapapalaban naman si Marcial, bronze medalist sa Tokyo at seeded seventh sa men’s 80 kg division, kay Uzbekistan’s Turabek Khabibullaev sa round-of-16 matapos makakuha ng bye.

Sasalang din si Paalam sa kanyang unang laban sa parehong araw.

Si 26-year-old Paalam, tubong Talakag, Bukidnon, ay unseeded din sa men’s 57 kg class sa kabila ng silver medal finish sa Tokyo, bagama’t lalaban siya bilang isang featherweight sa unang pagkakataon. Si Jude Gallagher ng

Ireland ang kanyang round-of-16 opponent.

“Our boxers are ready to go,” wika ni Manalo mula sa French capital.