NARARAPAT na imbestigahan ang kalakaran ng parking fee sa Ombudsman. Kapag sinabing parking fee sa Ombudsman ay hindi po nangangahulugan na paradahan ng mga sasakyan, kundi ang ipinaparada ay mga kaso laban sa mga korap na opisyal ng pamahalaan.
Kung ang binabayarang karaniwan para sa parking ng sasakyan ay P100 kada tatlong oras, e milyon-milyong piso naman ang parking fee sa Ombudsman upang iparada ang isang kaso.
Bakit kailangang iparada ang kaso? Ipinaparada ang kaso ibig sabihin ay patatagalin ito hanggang madismis na ito at maabswelto na ang isang korap na opisyal ng gobyerno.
May mga prescriptive period ang mga kaso na naisasampa sa Sandiganbayan mula sa Ombudsman, kumbaga dahil sa parking fee ay nae-expire na ang pagpaparusa sa isang kinasuhang public official.
Iba pa sa parking fee ang kaliweteng kaso. Ibig sabihin naman nito ay nagsasampa ang mga nabayarang taga-Ombudsman ng mga kasong mahina ang supporting evidence o may teknikalidad upang mai-dismiss lamang eventually.
Iba pa ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman na imbes na ang maximum na kaso ang isinasampa ay mas mahinang kaso na may karampatang mas mahinang kaparusahan.
Ngunit hindi lahat ng nasa Ombudsman ay parking attendant, marami pa rin sa kanilang hanay ang tunay na pampubliko serbisyo, ngunit nakasadlak na sa putikan ang imahe ng Ombudsman dahil wala nang abogado sa bansa ang hindi nakaaalam ng kalakaran ng parking fee riyan.
Wala ring nangyari halimbawa sa kaso na kinasasangkutan ng mga executive ng Department of Finance noon na pinagnakawan ang taumbayan ng may P9 bilyon at ngayon naman ay nadiskubre at ibinunyag ni DOF Secretary Sonny Dominguez na may P11 bilyon tax credit scam na naman sa departamento. Ang tax credit scam ay direktang pagnanakaw sa kaban ng taumbayan at direktang panloloko sa mamamayan.
Pinapayagan ng tax credit certificate na nagsisilbing salapi rin na ipambayad o ipang-awas ang mga nasabing certificate sa kani-kanilang mga dapat bayaran na buwis sa gobyerno. Ngunit dahil sa sabwatan ng mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya ay nakakapag-isyu ng tax credit certificates sa mga bogus na claims kapalit ang under-the-table at iba pang konsiderasyon na sila-silang mga nagtransaksyon na lamang ang nakaaalam.
Bakit muling nangyayari ito? Kasi nga kung hindi ipina-park ng Ombudsman ang kaso ay kaliwete ang isinasampang kaso. Kaawa-awang bayang Filipinas!
Comments are closed.