NAGLUNSAD ng kilos-protesta si Retired Military General Antonio Parlade Jr. at ang kanyang mga tagasuporta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong MARTES upang ipanukala ang pagtatatag ng isang revolutionary government at matuldukan na ang korapsiyon sa pamahalaan.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), humigit-kumulang sa 100 ang mga tagasuporta ni Parlade na kasama nitong nagtungo sa naturang lugar dakong alas-11 kahapon ng umaga.
Kasama rin umano nila ang dating aktres na si Vivian Velez at mga lider ng iba’t ibang sektor na mula pa sa iba’t ibang lalawigan.
Nabatid na nanawagan rin ang grupo ni Parlade ng suporta laban sa korapsiyon sa Commission on Elections (COMELEC ) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Pahayag pa ni PARLADE na dating commanding general ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), posibleng isang revolutionary government ang tanging solusyon sa naturang problema.
Hinihiling din umano ng grupo ang abolisyon o pagbuwag sa partylist na anila ay ‘walang kuwenta.’
Kaugnay nito, nabatid na inatasan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang AFP na huwag na lamang pansinin at pakinggan si Parlade.
Agad ring nagpakalat ang QCPD ng mga tauhan sa lugar upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang naturang pagtitipon. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ