“DIYOS ang may-ari ng lahat ng yaman; tayong mga tao’y katiwala lamang.” Natutunan natin na mahalaga sa Diyos ang tamang attitude at pangangasiwa sa pera ng tao. Ito’y sapagkat ang pera ay isa sa pinakamatinding katunggali ng Diyos para sa pag-ibig ng tao. Gusto ng Diyos na ang ating pinakamataas na pag-ibig ay nakaukol sa Kanya. Sa kasawiang palad, ang maraming tao ay higit na nagmamahal sa pera. Katunayan nga, halos sambahin ng ilang tao ang pera. Tinatawag nila ang pera na “The Almighty Dollar”. Maiintindihan natin kung bakit may ilang natutuksong sumamba sa pera. Ito ay dahil sa maraming mabubuting bagay at ‘kaligayahang’ makamundo ang natatamo ng tao kung marami siyang pera. Subalit ang sabi ng Bibliya, “Ang Diyos ay isang mapanibughuing Diyos.” Ang pagsamba sa pera ay isang uri ng idolatry o pagsamba sa diyos-diyosan na kinamumuhian ng Diyos.
Ang sabi ng Bibliya, “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.” (Exodo 20:4-5)
Ang wastong pangangasiwa ng pera ay gaya ng isang partnership sa pagitan ng Diyos at tao. May bahagi ang bawat isa sa kanila. Tungkol sa Diyos, ang sabi ng Bibliya, “Sa inyo (O Diyos) ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat.” (1 Cronica 29:11). Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay. Siya ang may-ari ng lahat nang nasa langit at lupa.
May tatlong tungkulin ang Diyos ukol sa kaperahan: una, siya ang may-ari. Pangalawa, siya ang may control. Pangatlo, siya ang nagbibigay (owner, controller, provider). Ang Diyos ang maylalang at may-ari ng lahat ng bagay. Isang kasinungalingan ng kaaway ng Diyos na nagsasabing ibinigay raw sa kanya ang pagmamay-ari nito at maibibigay niya ito sa sinumang gusto niyang pagbigyan. Hindi kailanman ibinigay ng Diyos ang pagmamay-ari ng anuman sa kamay ninuman. Ang Diyos ang nagpapatubo ng mga halaman at punong-kahoy. Siya ang nagbigay rito ng kapangyarihang dumami. Diyos ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga hayop na manganak at dumami. Diyos din ang nagbigay ng kapangyarihan sa sangkatauhan na mag-isip at gumawa ng kung ano-anong bagay. Diyos din ang naglagay ng mga ginto, pilak at lahat ng minerals sa ilalim ng lupa.
Diyos din ang may kontrol sa lahat ng bagay. Diyos ang nagpapaikot sa mundo. Siya ang nagpapatuloy na lumiwanag ang araw, umihip ang hangin, maging singaw ang tubig para maging ulap at pagkatapos ay pabagsakin itong muli sa lupa bilang ulan para diligan ang mga halaman. Ang sabi ng Bibliya, “Pinasisikat ng Diyos ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Diyos ang nag-uutos na tumubo ang mga halaman at magbunga ito. Talagang ubod ng makapangyarihan ang Diyos.
Ang Diyos din ang nagbibigay ng kayamanan (Provider). Ang sabi ng Bibliya, “Si Yahweh ang Nagkakaloob. At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, ‘Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.’” Tinuruan tayo ng Panginoong Jesus na manalangin. Ang sabi niya, anuman ang ating hihingin sa pangalan niya ay ipagkakaloob ng Ama sa atin. Kaya sana matuto tayong manalangin sa Diyos na ginagamit ang pangalan ni Jesus.
Kung ang bahagi ng Diyos ay: May-ari, May control, at Nagbibigay, ano naman ang papel ng sangkatauhan? Ang papel natin ay ang maging mabuti at tapat na katiwala ng Diyos sa lahat ng mga ari-arian at kayamanang inilagay niya sa ating mga kamay. Hindi tayo ang may-ari ng anumang ari-arian natin; tayo ay mga tagapangalaga lamang. Kumbaga sa isang kompanyang pinagtatrabahuhan natin, hindi tayo ang may-ari noon; tayo ay isang empleyadong manager lamang doon. Kung mahusay tayong mangasiwa, puwede tayong i-promote. Kung tayo ay pabaya, maaari tayong ibaba sa puwesto o tanggalin sa trabaho. Ang gusto ng Diyos ay tayo ay maging tapat sa anumang bigay niya sa atin. Ano ang mga ibinigay ng Diyos sa atin na dapat nating pangalagaan? Kasama rito ang iyong pangangatawan, ang iyong asawa at mga anak, ang iyong bahay, mga kagamitan sa bahay, ang iyong kaperahan, ang iyong kapaligaran, ang ating bansa, at iba pa.
May kakilala akong isang taong dating mahirap na nagtrabaho sa abroad at naging mayaman. Nakabili siya ng malaking lupa, magarang bahay at mamahaling kotse. Subalit lumaki ang ulo niya. Iniwan niya ang kanyang asawa at kumabit sa ibang babae. Hindi niya pinakinggan ang pagmamakaawa ng kanyang asawa. Naging arogante niya at nakalimot sa Diyos. Nang pumutok ang bulkang Pinatubo, rumagasa ang lahar, natabunan ang kanyang lupa, tinangay ng agos ang kanyang bahay at lahat niyang ari-arian. Ang nailigtas lang niya ay ang kanyang mga anak at ang mga saplot nila sa katawan. Sinabi niya sa akin, “Sinampal ako ng Diyos dahil sa aking kayabangan.” Napagtanto niyang ang lahat ng bagay ay pinahiram lang ng Diyos sa kanya. Ang Diyos ang nagbibigay, at Diyos din ang maaaring bumawi.
Tandaan: Sa kakasingko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.