PARTIAL OPS NG LRT-2 NAUDLOT

LRT 2 EAST EXTENSION

HINDI  natuloy  ang pangakong partial operations  ng  LRT-2  kahapon na ikinadismaya ng libo-libong commuters.

Inihayag ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Reynaldo Berroya na ito ay dahil pa rin sa problema ng naturang linya ng tren sa telecommunication system at power supply.

“We did our best but due to the complexity of the problem, we were not able to complete the test runs and safety checks of the telecommunication system today,” ani Berroya.

Sinabi ni Berroya na hindi naman nila maaaring ikompromiso ang kaligtasan ng kanilang train riders kaya’t kailangan nilang masusing i-check ang integridad at stability ng mga istruktura at equipment ng LRT-2 bago tuluyang mag-resume ng operasyon.

Ayon naman  sa mga commuter, umaasa  sila na makararating nang maaga sa kanilang mga pinapasukang trabaho at paaralan, subalit nadismaya sila nang malamang hindi pa tuloy ang partial operation ng LRT2.

Sinabi naman ni LRTA Spokesperson Hernando Cabrera na may naiiwan pa ring technical issues pagdating sa ating telecommunications system saka sa power supply system,

Kaugnay nito, nangako ang dalawang opisyal na sa sandaling matiyak na normal ang kondisyon ng kanilang signaling, telecommunications, power supply at mismong mga tren, ay kaagad silang magpapatupad ng partial commercial operations mula Cubao Station to Recto Station at pabalik.

Umaasa umano silang makapagpapatupad ng partial operation ngayong araw.

Sinabi pa ng dalawang opisyal, habang wala pang biyahe ang LRT-2, ay magtutulung-tulong ang mga ahensiya ng gobyerno para maasistihan ang mga pasaherong apektado ng kanilang tigil-pasada.

Hanggang kahapon ay mayroong 10 Modernized Public Utility Vehicles (PUVs) na bumibiyahe mula Santolan Station to Legarda Station at pabalik, habang nagbigay na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit sa ilang bus para naman makabiyahe sa Santolan to Cubao at pabalik, kabilang na ang Airfreight Express Bus, Armi Josh Bus, Corimba bus, Quiapo bus, Earth Star Express Inc., at RCGC bus.

Magdaragdag rin ng 30 Victory buses at 20 pang modernized PUVs na ide-deploy mula ala-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:30 ng gabi sa Santolan Station.

Ang pamasahe sa mga ito ay mula P12 hanggang P15, na comparable sa train fare na may kaparehong ruta.

Maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay patuloy ring nagkakaloob ng libreng sakay mula Santolan hanggang Cubao at pabalik, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi, araw-araw.

Magugunitang unang nasunog ang rectifier ng LRT-2 sa Katipunan, Quezon City, na nagresulta sa kawalan ng suplay ng kuryente at suspensiyon ng kanilang operasyon.

Sa pagtaya ng LRTA, posibleng abutin pa ng hanggang siyam na buwan bago tulu­yang maibalik ang full operation o normal na operasyon sa buong linya ng LRT-2 dahil kinakailangan pa umanong mag-angkat ng mga kakailanganing materyales sa ibang bansa, na dadaan pa sa conditioning process at instalasyon.

Ang LRT-2, na nag-uugnay sa Recto, Maynila at Santolan, Pasig City, ay nagsisilbi sa may 220,000 train passengers araw-araw, na umaabot pa sa 240,000 tuwing peak hours. BENEDICT ABAYGAR, JR.