PARTIAL TRUCK BAN IKINASA SA KYUSI

Joy Belmonte

MATAPOS na maaprubahan ng Quezon City Council ang ordinansa, ipinatupad na ang ‘partial truck ban’ tuwing ‘rush hour’ sa kahabaan ng Visayas Avenue at Mindanao Avenue, sa  Quezon City.

Sa pinirmahang Ordinance SP No. 2984 Series of 2020, bawal nang gamitin ang Visayas Ave­nue at Mindanao Avenue ng mga truck at iba pang heavy equipment mula alas-6 ng umaga hanggang alas 10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, naging paboritong daanan ng mga truckers ang dalawang nabanggit na kalsada patungong Maynila, na nagdudulot ng matinding trapiko sa mga motorista at commuters tuwing ‘rush hour’ kung kayat naisipan nilang magpatupad na rin ng truck ban.

Sa ilalim ng nasabing ordinansa na isinulong nina Councilors Franz Pumaren, Donato Matias,  Eric Medina at  Victor Ferrer Jr., ang pagpapatupad ng truck ban ay base lamang sa modified truck ban policy ng MMDA.

Sakop ng truck ban ang mga sasakyang may higit na anim na gulong at iba pang sasakyan na tinukoy ng Land Transportation Office (LTO) na mga heavy equipment.

Hindi naman sakop ng ordinansa ang mga fire truck, garbage truck, hauling truck, military truck, bus at iba pang malalaking sasakyan na pag-aari ng gobyerno o kaya kinontrata para magbigay ng public services.

Ang sinumang mahuhuling lumabag sa  ordinansa ay pagmumutahin ng P5,000 at pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon. EVELYN GARCIA

Comments are closed.