Participant ng Bisyong Pagnenegosyo Webinar, nakatanggap ng puhunan mula sa “Big Heart Investor” (Bisyong Pagnenegosyo Series) “CHICKEN INASAL”

BATID ng recipient ng “Bisyong Pagnenegosyo” Webinar ang kahalagahan ng food business at sinamahan pa ito ng inspirasyon ng kaniyang pamilya para lalo pang lumago ang kaniyang negosyo.

Naniniwala si Alice Maglanque na ang tagumpay ng kaniyang negosyo ang isa sa magbibigay ng magandang buhay sa kaniyang pamilya – kaya ito ang inspirasyon niya sa kaniyang negosyo, ang Alice Chicken Inasal House.

Alam ni Alice na ang ganitong uri ng food business ang isa sa essential na negosyo dahil marami ang umuulit na bumili nito at hindi agad nakasasawaan.

“Chicken inasal po ang gusto kong negosyo kasi pagkain po, kailangan po ng tao ang pagkain. Kung magsawa man sila ngayon, sa ibang araw, bibili pa rin sila,” ayon kay Alice.

Kuwento pa ni Alice, maganda pa rin ang takbo ng kaniyang chicken inasal business sa panahon ngayon na hindi masyadong lumalabas ang tao dahil umoorder na lamang at nagpapa-deliver ang mga ito.

Sa kahit anong negosyo, sipag at tiyaga pa rin umano ang pinaka epektibong puhunan sa pagnenegosyo para umasenso.

“Sa mga nagnanais magkaroon ng sariling negosyo, sipag at tiyaga lang ang kailangan para umasenso,” payo ni Alice.

Malaki naman ang pasasalamat ng JFRL Group of Companies sa programa ng BVG Foundation na mabigyan ng kaalaman tungkol sa pagnenegosyo ang mga maliliit na negosyante at napapanahon din umano ito dahil marami ang naghahanap ng pagkakakitaan sa panahon ngayon na.

“Kami po sa JFRL Group of Companies ay matutuwa sa advocacy ng BVG Foundation na tulungang ma-educate ang ordinaryong mamamayan na makapag-umpisa ng maliit na negosyo. Maganda ang timing nito dahil marami sa atin ang nangangailangan ngayon ng mapagkakakitaan dahil marami ang nawalan ng work dahil sa mga nagsarang business gawa ng pandemic,” ayon pa kay Joana Lopez Leyva, business owner ng JFRL.

Kabilang sa mga produkto ng JFRL Group of Companies ang mga kilalang sapatos na makikita sa malls tulad ng Chelsea at Finickee shoes.

Ayon naman kay Cecyl Aveno, isa sa founder ng BVG Foundation, ang “Bisyong Pagnenegosyo” ay ilan lamang sa kanilang mga proyekto na layong matulungan ang ating mga kababayan na matuto at magkaroon ng sariling negosyo.

Ang Bisyong Pagnenegosyo ay inorganisa ng BVG Accounting and Business Consultancy at BVG Foundation nito sa pangunguna ni Dr. Benjamin Ganapin, Jr. na layong makatulong sa ating mga kababayan, nawalan ng trabaho o hanapbuhay, mayroong maliit na kita pero naisn pang madagdagan ang puhunan at para sa mga nais matutong magnegosyo.

Media partner dito ang PILIPINO Mirror – Ang Unang Tabloid sa Negosyo! CRIS GALIT

Comments are closed.