Si Partido Federal ng Pilipinas secretary general Tom Lantion habang pinapanumpa bilang mga bagong miyembro ng PFP mula sa Pasig City ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya (pangatlo at pang-apat mula sa kanan), kasama ang kilalang dating konsehal ng lungsod na si Mario Concepcion, Jr. (pangalawa mula sa kanan) at ang dating chairman ng Brgy. Bambang na si Reynaldo Samson, Jr. (dulong kanan)
PASIG City —- Tinatayang mapapalaban si Mayor Vico Sotto sa darating na 2025 midterm election matapos manumpa bilang miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas ang mag-asawang benefactor ng palagiang kawanggawa sa lungsod na ito.
Ilang linggo bago ang filing ng Certificate of Candidacy sa Oktubre 2024 ay ipinahiwatig ng administration party na PFP ang kahandaan nitong tapatan ng tinawag nitong ‘winnable mayoralty bet’ ang kasalukuyang alkalde ng Pasig City na tumatakbo sa kanyang ikatlo at huling termino.
Pinangalanan ni PFP secretary general Tom Lantion ang kilalang lead advocate ng charity works sa Pasig na si Sarah Rowena Discaya bilang potential na pambangga sa reeleksiyunistang alkalde.
Si Discaya, na mas kilala sa tawag na “Ate Sarah,” ay nanumpa na kamakailan sa pamunuan ng PFP bilang opisyal na miyembro ng partido ni Pangulong Bongbong Marcos.
Kasama niyang nag-take oath kay retired Gen. Lantion ang kanyang asawang si Curlee at mga community leader na kanilang kabalikat sa paghatid ng tulong sa mga kabarangay, partikular sa mga maralitang taga-lungsod.
Ayon kay Sec. Gen. Lantion ay wala pang pormal na pagsang-ayon si Ate Sarah sa plano ng PFP na pagpatakbo sa kanya, pero malakas umano ito na pambato sa Pasig mayoralty race dahil matagal na siyang kilala ng mga Pasigueño bilang mabait, matulungin at edukadang maka-masa.
Katunayan, ayon sa nasabing
opisyal ng PFP ay ang St. Gerrard Charity Foundation na pinamamahalaan ng pamilya Discaya ang kinikilala ng maraming Pasigueños na panibagong City Hall dahil sa iba’t ibang tulong pang-edukasyon at ayudang medikal na ibinabahagi sa mga nangangailangan.
“Malapit din ang loob ng mga senior citizen kay “Ate Sarah,” gayundin ng mga magulang dahil sa walang patid na mga tulong ang ipinamamahagi ng kanyang pamilya sa iba’t-ibang day care centers at public schools,” diing pahayag ng PFP official.
At ano mang kakulangan ng mga pampublikong ospital at health centers sa lungsod ay pinupunan umano ng charity foundation ni Ate Sarah sa pamamagitan ng walang patid na medical assistance.
Nakarating din sa kaalaman ng PFP na nang manalasa ang bagyong Carina ay nauna pa umanong magpadala ng tulong ang St. Gerrard Foundation sa mga biktima ng bagyo.
Inaasahan din ng ka-partido ni Ate Sarah sa PFP na malaki ang tiyansa ng kanilang mayoralty bet sa Pasig na manaig sa laban dahil sa batbat umano ngayon ng intriga ang reeleksiyunista niyang katunggali, partikular na ang kontrobersiyal na pagpapatayo ng P9.6-billion na New City Hall Complex at ang umano’y maanomalyang P17.2 milyong cash allowance sa mga empleyado na pinalitan lamang ng t-shirts ang dapat sana’y matatanggap na P1,500 na cash bawat kawani ng lungsod.
Habang may ganito umanong mga isyu laban kay Sotto, kagaya ng magarbong luho na City Hall complex, ang mga pampublikong pagamutan at health centers sa lungsod ay kulang naman sa mga gamot at episyenteng kagamitan.
Kabilang pa sa mga isyu laban sa alkalde ay ang tungkol sa mag-aaral sa public schools na napababayan dahil kahit noong Hulyo pa binuksan ang klase, pero ngayon pa lang nagsukat ng uniporme, at kulang ang school supplies bukod pa sa delayed din ang pagbigay ng scholarship allowance.
Si Sotto ay dating miyembro ng Aksiyon Demokratiko Party, ngunit nag-resign na ito.
Samantala, si Ate Sarah ay nagtapos ng elementarya sa Pasig Catholic College sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Computer Management.
Graduate din siya sa La Consolacion College ng Bachelor of Science in Business Administration, Major in Management of Service Institution.
Katuwang si Ate Sarah ng asawa niyang si Curlee para pamahalaan ang St. Gerrard Construction na isang Quadruple A contractor sa bansa. May apat silang anak.