(Partners sa food security) UGNAYANG PH-VIETNAM PALALAKASIN PA

PERSONAL na ibinigay ni Speaker Martin G. Romualdez sa kanyang counterpart na si National Assembly of Vietnam Chairman Vuong Dinh Hue ang kopya ng House Resolution No. 571, na naglalayong higit pang patatagin ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng Vietnam.

Bilang bahagi ng kanyang 3-day official visit sa bansa, si Hue, kasama ang iba pang Vietnamese lawmakers at government officials ay nakipagkita sa mga opisyal at kasapi ng Kamara sa Batasan Complex, Quezon City kahapon ng umaga.

Pinangunahan nina Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, House Accounts Chairperson Yedda Marie Romualdez, at Deputy Majority Leader Jude Acidre ang pagsusulong ng HR 571 at pagtanggap sa delegasyon ng Vietnamese National Assembly head.

“Mr. President, please accept this copy of House Resolution as a token of the commitment of the House of Representatives to be a steadfast partner of our Vietnam brethren walking lockstep along the path of mutual peace and development for both our nations,” pahayag ng House Speaker sa pagharap sa kanya ni Hue kasunod ng pagbibigay sa kopya ng naturang House Resolution.

Bilang tugon, nagpaabot ng kanyang pasasalamat ang Vietnam lawmaker kay Romualdez at ibang kongresista sa mainit na pagtanggap sa kanilang delegasyon at binigyan-diin ang kahalagahan sa pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas at Vietnam sa larangan ng strategic partnership, pagpapaigting sa trade at economic relations, gayundin ang pagkakaroon ng people-to-people exchanges ng dalawang bansa.

Ayon kay Romualdez, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay batid ang kahalagahan ng relasyon sa Vietnam, lalo na sa food security ng bansa dahil 90 percent ng rice imports ng Pilipinas ay galing doon.

Sa pagkikita nina Romualdez at Hue kahapon, pormal na ipinaabot ng huli ang imbitasyon nito sa lider ng Kamara na bumisita sa kanilang bansa, na malugod namang tinanggap ni Romualdez. ROMER R. BUTUYAN