PARTO, DE KAM UNA SA RATSADA NG FINIS SWIMFEST

AGAD na nagparamdam ng tikas at kahandaan ang Quezon Killerwhale Swim Team, sa pangunguna nina Hugh Antonio Parto, Marcus De Kam, Kristian Yugo Cabana at Fil-Briton Heather White, sa nahakot na 31 medalya, tampok ang 15 ginto sa pagsisimula ng 2022 FINIS Short Course Swim Series-Luzon leg kahapon sa New Clark City Aquatics Center sa Tarlac.

Humirit ng tig-tatlong ginto ang 15-anyos na si Parto at kapwa elite swimmer ng koponan na si De Kam, habang nagwagi ng tig-dalawang event si Cabana at ang Vietnam-based na si White laban sa tinaguriang ‘Water Beast’ at National junior record holder na si Michaela Jasmine Mojdeh sa pinakahihintay na duelo sa torneo na itinataguyod at inorganisa ng FINIS Philippines.

Dinaig ni Parto sa boys’ 15-16 100-m Individual Medley sa tiyempong 1:03.30 ang kasanggang sina Peter Dean (1:04.92) at Angelo Sadol ng Coach Agot Team (1:06.27), habang tinalo niya sa 100-m butterfly sa oras na 57.77 sina Timothy Capulong ng Tarlac (1:02.56) at Sadol (1:02.96).

Sa 50-meter backstroke, nanaig pa rin ang miyembro ng tinaguriang ‘Lucena Boys’  na sina Tim Capulong (30.03) at Sadol (30.47) sa tiyempong 29.55 segundo

“Loaded po ‘yung training namin kay coach Virgil de Luna after last week’s SLP competition. Happy po dahil na-improve po ang lahat ng personal best time ko,” pahayag ni Parto, Grade 10 student sa La Salle-Lipa.

Sa  boys’ premier 17-18 class, nanguna si Kam pambato ng Calayan Educational Foundation sa 100-m IM sa bilis na 58.95 segundo laban sa mga kasanggang sina Yohan Cabana (1:01.49) at Ruben White (1:01.55), habang nanaig sa 100-m butterfly sa tiyempong 56.87 kontra Ivan Radovan (57.66) at Miguel Thruelen (57.83). Kinuha niya ang ikatlong ginto sa 50-backstroke sa oras na 27.49 laban kina Erick Abustan (27.96) at Yohan Cabana (28.21).

Naagaw naman ng 15-anyos na si White ang atensiyon mula sa pamosong multi-titled junior internationalist at Palarong Pambansa champion na si Mojdeh (1:03.66) sa kanilang duelo sa premier girls‘ 17-18 class matapos manaig sa 100-m butterfly sa tiyempong 1:02.74. Pangatlo si Maria Barretto (1:07.64).

Sa ikalawang pagkakataon sa 100-m IM, naungusan ni White sa tiyempong 1:07.16 ang local star na si Mojdeh (1:07.44). Nasungkit ni Barreto ang ikalawang bronze (1:10.35).

Nanaig naman si Cabana sa boys’ 11-12 100-m butterfly sa oras na 1:09.23 laban kina Daniel Ocampo (1:12.20) at Benjamin De Mesa (1:13.15), gayundin sa 100-m IM sa oras na 1:14.34 kontra  Ocampo (1:15.58) at Matthew Lopez (1:17.55).

Ang iba pang Quezon Killerwhale gold medalists  ay sina John Neil Paderes sa boys’ 19-over 100-m IM (59.75) at 50-m backstroke (26.58),  Jules Mirandilla sa 100-m butterfly (56.13), Hannah White sa girls 9-10 IM (1:28.82), at 50-m backstroke (42.11).

“It’s a big turnout, we’re happy with the results and we’re hoping ma-sustain namin ito,” pahayag ni coach Vince Garcia, FINIS Philippines Marketing Director. EDWIN ROLLON