PARTO NANGIBABAW SA FINIS LUZON LEG SWINFEST

TULUYANG umukit ng marka si Hugh Antonio Parto habang nanatiling matatag sina Marcus De Kam at Heather White para sandigan ang dominanteng kampanya ng  Quezon Killerwhale Swim Team sa pagtatapos ng 2022 FINIS Short Course Swim Series-Luzon leg kahapon sa New Clark City Aquatics Center sa Tarlac.

Winalis ng 15-anyos na si Parto mula sa La Salle-Lipa at bahagi ng tinaguriang ‘Lucena Boys’ sa local swimming community ang limang final events sa impresibong panalo sa boys’ 15-16 50-m butterfly sa tiyempong 26.54 segundo laban kina Tim Capulong (26.90) at Mikos Trinidad  (27.98). Kinuha rin niya ang ginto sa 50-meter free sytle sa bilis na 25.48 kontra  Capulong ng Tarlac (25.65) at Lune Arano ng Bosay Aquatics (25.85).

Sa kanyang huling langoy, hindi na nasopresa ang mga kasangga at ang swimming enthusiasts na nanood sa dalawang araw na torneo na inorganisa at itinaguyod ng FINIS Philippines, sa pamumuno ni Marketing Director Vince Garcia.

“Masayang-masaya po. ‘Yung target ko na malagpasan ‘yung personal best ko sa SLP meet, higit pa ang nakuha kong resulta. Nagpapasalamat po ako kay coach Virgil (De Luna) sa paggabay at sa suporta ng mga teammates ko, Siyempre sa pamilya ka na all-out sa aking career at school,” pahayag ni Parto.

Sa unang araw ng kompetisyon nitong Sabado, dinaig ni Parto sa boys’ 15-16 100-m Individual Medley sa tiyempong 1:03.30 ang kasanggang sina Peter Dean (1:04.92) at Angelo Sadol ng Coach Agot Team (1:06.27), habang ginapi niya sa 100-m butterfly sa oras na 57.77 sina Timothy Capulong ng Tarlac (1:02.56) at si Sadol (1:02.96). Sa 50-meter backstroke, nanaig pa rin ang miyembro ng tinaguriang ‘Lucena Boys’ sa tiyempong 29.55 segundo na sina Tim Capulong (30.03) at Sadol (30.47).

Sa  boys’ premier 17-18 class, dinugtungan  ni Marcus De Kam, pambato ng Calayan Educational Foundation, ang naunang tatlong gintong napagwagihan matapos manguna sa  50-m buuterfly sa oras na 25.55 laban sa mga kasanggang sina Ivan Radovan  (26.01) at Ruben White (26.16). Nauna siyang bumida sa 100-m IM sa bilis na 58.95 segundo laban sa mga kasanggang sina Yohan Cabana (1:01.49) at Ruben White (1:01.55), habang nanaig sa 100-m butterfly sa tiyempong 56.87 kontra Ivan Radovan (57.66) at Miguel Thruelen (57.83). Kinuha niya ang ikatlong ginto sa 50-backstroke sa oras na 27.49 laban kina Erick Abustan (27.96) at Yohan Cabana (28.21).

Pinatunayan naman ni National junior record holder Michaela Jasmine Mojdeh na siya ang matibay sa girls’ 100-m breaststroke nang gapiin ang kasangga  na si Heather White sa impresibong oras na 1:15.07 laban sa 1:22.30 ng karibal. Pangatlo si Clara Delos Santos ng Poseidon (1:19.27).

“Nakaisa rin po. Okey naman po basta tuloy-tuloy lang ang ensayo at kompetisyon. Malakas talaga si White (Heather). Bawi na lang po ako next time,” sambit ng tinaguriang ‘Water Beast’.

Naagaw ng 15-anyos na si White ang atensiyon mula sa pamosong multi-titled junior internationalist at Palarong Pambansa champion na si Mojdeh (1:03.66) sa kanilang naunang duelo sa premier girls’ 17-18 class 100-m butterfly sa tiyempong 1:02.74.Pangatlo si Maria Barretto (1:07.64).

Sa ikalawang pagkakataon sa 100-m IM, naungusan ni White sa tiyempong 1:07.16 ang local star na si Mojdeh (1:07.44), gayundin sa 50-meter freestyle sa tiyempong 26.73 laban kay Mojdeh (28.28).

Ikinalugod naman ni coach Vince Garcia, head ng organizing FINIS Philippines, ang maayos na kaganapan sa kambal na torneo para sa kabataan na naglalayong palakasin ang ‘awareness’ sa sports at tulungan ang grassroots sports development.  EDWIN ROLLON