TAOS-PUSONG pinasalamatan ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong’ Ordanes si House Speaker Martin Romualdez sa patuloy na pagmamalasakit sa mga nakakatandang populasyon ng bansa, gayundin sa mga Filipino na may kapansanan.
Kasabay nito, ikinalugod ni Ordanes ang resulta ng PUBLiCUS Asia Inc.’s PAHAYAG Second Quarter (PQ2-2024) survey kung saan lumabas na siyam sa bawat 10 Filipino ang pabor sa pagbibigay ng universal pension sa senior citizens sa bansa.
Si Ordanes ang isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang-batas, na naipadala na sa Senado upang maging ganap ng batas.
Paliwanag ng mambabatas, layon ng panukala na magkaroon ng buwanang pensyon ang lahat ng Filipino na nasa edad 60 pataas anuman ang estado ng kanilang buhay.
Aniya, naging susi si Romualdez upang maaprubahan sa Kamara ang panukala gayundin sina Reps. LRay Villafuerte, Anthony Horibata, Miguel Luis Villafuerte, Nicholas Enciso VIII, Horacio Suancing, Angela Suansing, Gerville Luistro, Marie Bernadette Escudero, Patrick Vargas, Irwin Tieng, Kristine Tutor, Milagros Magsaysay, Christopher de Venecia at Rudy Farinas.
“Nagpapasalamat ako kay Speaker Romualdez at sa mga kapwa ko mambabatas na patuloy na isinusulong ang kapakanan ng ating mga mahal na senior citizens. Ito naman ay munting pagkilala lang natin sa kanilang kahalagahan sa ating lipunan,” sabi pa ni Ordanes.
Tumatanaw rin ng utang na loob si Ordanes sa mga vice chairpersons at miyembro ng pinamumunuan niyang House Committee on Senior Citizens.
Umaasa naman si Ordanes na bukod sa panukalang universal pension para sa mga senior citizen, kahit isa pa sa apat pang panukalang batas ang makakalusot sa Senado bago matapos ang taon upang maging batas pagpasok ng 2025.
Kabilang na ang House Bill 10314 na ang layon ay magkaroon ng linaw ang mga benepisyo at pribilehiyo ng senior citizens at persons with disability, ang House Bill 10188 na magbibigay proteksyon sa senior citizens sa lahat ng uri ng panloloko, gayundin ang House Bill 10313 na ang layon naman ay maisama sa e-Gov Ph Super App ang mga serbisyo para sa senior citizens at ang House Bill 10174 o ang pagtatalaga sa Dr. Eva Macaraeg-Macapagal National Center for Geriatric Health bilang National Center for Geriatric Health and Research Institute.
Hiling din ni Ordanes na maipasa na sa Senado ang panukalang early voting para sa senior citizens at PWDs, maging ang House Bill 8461 na ang layon naman na mapalakas ang national health program para sa senior citizens.