DADAAN sa masusing reebalwasyon ang lahat ng miyembro ng political party ni Pangulong Rodrigo Duterte na Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) pagkatapos ng midterm elections upang matiyak na sadyang naglilingkod ang mga lokal na opisyal sa partido.
Bubusisiin ng PDP-Laban ang 10,000 lokal na kandidatong kanilang itinaguyod sa halalan ngayong 2019 para sa limang senatorial candidate ng partido, ayon sa pahayag ni party president at senatorial bet Aquilino “Koko” Pimentel III sa palabas na Early Edition sa ANC.
“What is important is the concept of service to the party. We want people to be in the party because they want to serve the party, not because they want to be identified with the party waiting for whatever imagined benefits identification would bring them,” sabi ng senador mula sa Mindanao.
Ibabase ng partido ang performance ng kanilang mga miyembro kung makakakuha nga ba ito ng mga boto para sa PDP-Laban senatorial bets na sina Dong Mangudadatu, Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, Francis Tolentino at Pimentel.
“It will show in the election results in their area if they helped the national slate,” ani Pimentel.
Inendorso ang lahat ng kandidato ng PDP-Laban ng dalawang maka-administrasyon personalidad sa pangunguna ni Duterte at ng anak niyang si Davao City Mayor at Hugpong ng Pagbabago chair Sara Duterte-Carpio.
“The PDP-Laban candidates are enjoying the best of all worlds because we are included in the president’s expanded slate and we are also all in the HNP senatorial ticket,” ani Pimentel.
Bagama’t dominanteng partido para sa halalan ngayong taon, tatlo lamang sa limang kandidato ng PDP-Laban ang may tsansang magwagi sa midterm polls, ayon naman sa survey ng Pulse Asia noong Abril 10-14.
Nakapuwesto sina Go, Dela Rosa at Pimentel mula ika-4 hanggang ika-14 na puwesto samantalang nasa ika-15 at ika-19 na posisyon sina Tolentino at Mangudadatu, ayon sa pagkakasunod.
Comments are closed.