(41 inaprubahan,142 tanggal) PARTYLIST SINALA NG COMELEC

DUMAAN sa masusing proseso bago inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang accreditation ng 41 bagong Party-list groups na sasali sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mas mababa ang kabuuan ngayon  kaysa sa halos 70 bagong organisasyong na-accredit para sa 2022 polls.

Mayroong kabuuang 177 party-list organization ang lumahok sa mga nakaraang halalan.

Hindi tinanggap ng poll body ang aplikasyon ng 142 iba pang grupo sa maraming dahilan tulad ng kawalan ng by-laws, maling listahan ng mga miyembro, maling pagpirma, kahina-hinalang adbokasiya at pekeng mga dokumento at maaring madagdagan pa ang listahan.

Ang Office of the Clerk of the Commission ay binigyan ng taning hanggang ngayong linggo para isapinal ang listahan ng mga accredited party-list groups.

Samantala, inihayag ni Garcia na ilalagay ng poll body ang mga server nito para sa 2025 elections sa tatlong lokasyon.

Ang tatlong lokasyon na hindi tinukoy ni Garcia ay maglalaman ng central server, back-up server at isa pang server para sa mga stakeholder ng halalan tulad ng media, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, National Movement for Free Elections at majority at minority parties.

Ani Garcia, layunin nilang maging transparent hangga’t maari at mas mabilis ang access at mas matulin ang resulta pero ligtas.

RUBEN FUENTES