PARTYLIST SOLON IKINATUWA ANG PAALALA NG BIR SA SC DISCOUNT SA ONLINE PURCHASES

Ikinalugod ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang paalala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga establisimyento ukol sa ‘discount privileges’ ng senior citizens at person with disabilities (PWDs) sa pagbili ng kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng text message o online.

Sa mga pagdinig ng pinamumunuan niyang House Special Committee on Senior Citizens, binanggit ni Ordanes ang mga natanggap niyang reklamo ukol sa hindi pagbibigay ng diskuwento ng maraming establismento sa mga senior citizens na gumagamit na ng ‘e commerce.’

Ipinarating na rin niya ang isyu sa Department of Trade and Industry, na agad din ipinaalala na ang ‘online at proxy purchases’ ng senior citizens ay sakop ng naaayong diskuwento.

Paliwanag ng mambabatas, base sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang mga senior citizen ay may pribilehiyo na 20% discount with VAT exemption sa mga produkto at serbisyo.

Aniya, umigting ang isyu ng hindi pagbibigay ng diskuwento sa senior citizens sa kanilang ‘online purchases’ nang hindi sila palabasin ng bahay dahil sa pandemya.

Sa Revenue Memorandum Circular 71-2020 na inilabas ni BIR OIC Marissa Cabreros, inatasan nito ang kanilang field officials na ipatupad ang joint resolution ng pitong ahensiya, kasama na ang DTI, Department of Health, Department of Social Welfare and Development at BIR para sa pagsunod ng mga establisimyento sa pagbibigay diskuwento sa senior citizens at PWDs.